At Your Service Ni Ka Francis
NITONG nakaraang Oktubre 1 hanggang 8, 2024 ay isinagawa ang paghahain ng kandidatura sa Manila Hotel Tent sa Maynila para sa lahat ng mga gustong pumasok sa pulitika.
Ito po ay may kinalaman sa darating na 2025 midterm election.
Base sa aking pagkakaalam, kasama sa ating iboboto ay ang mga senador, party-lists, kongresista, governors, provincial board members, city mayors, city vice mayors, city councilors, municipal mayors, at municipal councilors.
Ngayon pa lang, pitong (7) buwan bago sumapit ang 2025 midterm election sa buwan ng Mayo, ay mainit na ang usapin ng pulitika sa bansa.
Nariyan ang mga magkakamag-anak na tumatakbo sa magkakaibang posisyon o political dynasty na tinatawag.
Anyare sa ating Inang Bayan? Ginawa na bang negosyo ang pulitika sa Bayan ni Juan?
Hindi na natin babanggitin pa ang mga pangalan ng mga politikong magkakamag-anak na nakaupo sa magkakaibang posisyon.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang mga magkakamag-anak na nakaupo sa Senado.
Sumunod riyan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, halimbawa ay lalaki ang tatakbo sa regular na kinatawan ng distrito at ang kanyang asawa ay patatakbuhin sa party-list habang ang kanilang iba pang kamag-anak ay patatakbuhin sa magkakaibang posisyon sa lokal. Ang galing ‘di ba? Sino ngayon ang tatalo sa kanilang lugar?
Ang nangyayari ay sila-sila na o iisang pamilya na lamang ang nagpapatakbo sa kanilang lugar at sa bansa.
Kadalasan pa, ang nangyayari sa mga politikong Pinoy, kung sino ang nakaupong presidente ay naglilipatan sila, ang tawag sa kanila sa usaping ordinaryong mamamayan ay mga ‘balimbing’.
Kung saan mas alam nila na malaki ang kanilang pakinabang ay doon sila.
Ang ganitong kalakaran o kaugalian ng mga politikong ito, ang malaking nakakaapekto ng ekonomiya ng bansa. Bakit kamo? Kasi personal na interes o kapakanan nila ang kanilang iniisip, imbes na kabuhayan ng nakararaming Pinoy.
Nagkukumahog ang mga politikong ito na manalo sa posisyon na kanilang inaasam-asam para sa kanilang pansariling hangarin, hindi para maging isang ‘public servant’.
Subukan n’yong puntahan sa kanilang opisina ang mga politikong nanalo sa kanilang posisyon kung harapin kayo, itatanong agad sa inyo ng kanilang staff kung may appointment ba kayo kay mayor, gobernador, congressman o senador.
Nagiging mabait naman sila sa tuwing sasapit o isang taon bago ang eleksyon.
Pakiramdam nila ay utang na loob pa natin sa kanila na ibinoto natin sila.
Kaya sa pagsapit sa 2025 midterm election ay nasa atin na ang bola kung sino ang ating papanalunin sa tumatakbong mga politiko.
Hindi sapat na basehan na kilala at may pera ang isang kandidato kundi ang kanilang magandang hangarin na magserbisyo sa mga Pilipino. Sawa na tayo sa mga pangakong napapako ng mga politiko.
oOo
Siyempre, hindi natin makalilimutan na batiin si Valenzuela City Chief of Police PCol. Nixon Cayaban na nakatanggap ng award, “Medalya ng Kagalingan” ng Philippine National Police (PNP) noong Oktubre 7, 2024 sa flag raising and awarding ceremony sa NCRPO Hinirang Multi-Purpose Hall, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Ang pagbibigay ng award ay pinangunahan ni PMGEN Jose Melencio Nartatez, Jr., Officer-in-Charge, Office of the Deputy Chief for Administration, kay PCol. Cayaban para sa agarang pagtugon sa robbery hold-up incident sa Phoenix Gas sa Brgy. Malanday, Valenzuela City noong Setyembre 29, 2024.
Ito ay nagresulta sa pagkakaaresto sa limang suspek sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Article 294 (Robbery with Violation Against or Intimidation of Persons) ng Revised Penal Code, at BP 6 (Illegal Possession of Bladed, Pointed or Blunt Weapons).
Ang nakumpiskang armas ay ang Rock Island Model 202 caliber .38 revolver at anim na bala. Galing! More power PCol. Cayaban sir!
53