PUNA ni JOEL O. AMONGO
UMAARAY na ang mga biyahero, partikular ang mga trucking na may biyaheng Metro Manila/Visayas-Mindanao vice versa dahil sa rami ng kanilang gastusin sa daan.
Nakarating sa PUNA, na kabilang sa kanilang mga gastusin ay ang Ferry Crew na may halagang, P150 bawat isa; Matnog-Allen na, P150; Allen-Matnog, P150; Burgos-Lipata, P150; at Lipata-Burgos, P150 na may kabuuang halaga na P600.
Nariyan din ang Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) Samar na bawat dumaraan ay nagbabayad ng P150; PNP Checkpoint Sta. Rita Samar, P200; PNP-HPG Bicol, P450; Checkpoint Bicol, P200; PNP-HPG Baybay Leyte, P300; PNP-HPG Lipata, P150; at PNP Checkpoint Lipata/CDO, P700 na may halagang kabuuang P2,150.
Mayroon ding bayad ang tinatawag na parada karga na P300; CDO des karga na P200; CDO karga na P400 at para des karga na P100, na may halagang kabuuang P1,000.
May tinatawag ding CDO lagay office para makargahan ang truck, na may halagang P1,000.
Sa tuwing dumadaan ang bawat truck sa mga lugar na ito ay gumagastos sila ng kabuuang P4,750.
Pagkatapos na makapagbigay ng pera ang truck sa checkpoint ng PNP-HPG ay bubungad naman sa kanila ang LTO Checkpoint, partikular sa pagtawid at pagbaba mula sa barkong sinakyan vice versa Matnog-Allen/Allen-Matnog.
Ganoon din sa pagtawid vice versa Leyte-Mindanao/Mindanao-Leyte.
Kadalasan ang checkpoint ng PNP-HPG at LTO ay sa mga tawid-dagat na bubungad sa ibinabang mga delivery truck mula sa barko na naglalaman ng mga produkto.
Habang nagbibiyahe ang mga truck sa kahabaan ng Maharlika Highway vice versa Metro Manila/Visayas-Mindanao ay may mga madaraanan din silang checkpoints ng LTO at PNP-HPG kung saan kailangan din nilang magbigay ng lagay.
Kaya hindi tayo magtataka kung bakit mahal ang mga bilihin sa Pilipinas dahil sa katongerong mga miyembro ng PNP-HPG, LTO at ilan pang tiwaling mga tauhan ng gobyerno.
Hindi kaya nakararating ito kina PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil at LTO chief, Atty. Vigor Mendoza?
Kung hindi ito nakararating sa kanila ay ipinagbibigay-alam natin sa dalawang magiting na hepe ng PNP at LTO.
Mga bossing, kawawa naman ang mga lehitimong naghahanapbuhay ng trucking na pineperwisyo ng inyong mga tauhan. Matagal na itong kalakaran, “sobra na, tama na, tigilan na!”
Kung hindi naman susunod sa agos ang mga biyahero ay piperwisyuhin sila ng PNP-HPG at LTO sa nabanggit na mga lugar na ito, sila kasi ang mga hari sa kanilang mga teritoryo.
Nasaan na ang, “Serve and Protect” ng PNP? Ganoon din ang LTO, naturingan pa man din kayong mga “public servant”.
oOo
Para sa sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0916-528-8796.
100