CAVITE – Tinatayang mahigit sa P4.7 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa arestadong tatlong hinihinalang tulak sa parking area ng isang kilalang mall sa Bacoor City noong Huwebes ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5, Sec. 26 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang narestong mga suspek na sina Faisal Amil y Salim, 31, security guard; Gringgo Guiamalon y Bulod, 33, at Esmail Abbas y Majid, 42, isang driver.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:40 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA), Regional Office IV-A RSET, Philippine National Police (PNP) RDEU IV-A at Bacoor Component City Police Station, sa parking lot ng isang mall sa Brgy. Habay 2, Bacoor City, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakuha sa kanila ang tinatayang 700 gramo ng hinihinaang shabu na may standard drug price na P4,760,000, isang Samsung cellphone, isang Nokia cellphone, iba’t ibang identification cards, buy-bust money at isang unit ng pulang Toyota Altis na may plakang NDT8473. (SIGFRED ADSUARA)
76