2K PAMILYA HOMELESS SA SUNOG SA ISLA PUTING BATO

TINATAYANG 2,000 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos matupok ang isang residential area sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila noong Linggo.

Ayon sa Manila Fire Department, halos umabot sa isang libong bahay ang naabo sa sunog na sumiklab dakong alas-8 ng umaga.

Umabot sa Task Force Charlie ang sunog dahilan para magresponde ang mga miyembro ng pamatay-sunog mula sa buong Metro Manila.

Tumulong din ang Philippine Air Force na nagpadala ng dalawang aircraft upang umagapay sa pag-apula ng apoy habang apat na karagdagang fire boats ang pinakilos.

Karamihan sa natupok na mga bahay ay yari sa light materials dahil maraming residente ang informal settlers.

Ayon sa BFP, ang malakas na hangin ang isa sa dahilan nang mabilis na pagkalat ng apoy sa mga kabahayan.

Nahirapan naman ang mga bumbero na pasukin ang lugar dahil sa napakaliit na daan na sinabayan pa ng mga residente na nagmamadaling lumikas mula sa sunog.

Bagama’t nagkaroon ng pagkakataong makapwesto sa MICT, kinailangan namang gumamit pa ng ladder bukod sa kinailangang sirain ang bahagi ng pader.

Karamihan sa mga residente ay minabuting sa baybayin dumaan sa pamamagitan ng bangka, paggamit ng styrofoam dahil nasaraduhan ng malaking apoy ang kanilang labasan.

Ilang bumbero naman ang iniulat na sugatan dahil sa malaking sunog. (RENE CRISOSTOMO)

112

Related posts

Leave a Comment