HIHIGPITAN ang paggamit ng confidential at intelligence funds (CIF) ng lahat ng ahensya ng gobyerno kasama na ang Office of the President (OP) upang masiguro na nagagamit ito sa tamang paraan.
Kahapon ay tinapos na nang tuluyan ng House committee on good government and public accountability ang kanilang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.
Dalawang panukalang batas ang nabuo ng komite sa resulta ng kanilang imbestigasyon na kinabibilangan ng “An Act Regulating The Allocation and Utilization of Confidential and Intelligence funds Imposing Penalties for Misuse and Misappropriation”.
Ayon sa chairman ng nasabing komite na si Manila Rep. Joel Chua, layon ng panukalang ito na tugunan ang maluwag na alituntunin sa paggamit ng CIF na nakapaloob sa Joint Circular No. 2015-01.
“Panahon na upang magpatupad ng mas mahigpit na alituntunin sa paggamit ng mga confidential funds para sa pambansang seguridad para sa mga confidential na gastos,” pahayag ni Chua.
Ginawa ang nasabing panukala matapos matukoy sa pagdinig sa confidential funds ng OVP at Deped na pinapayagan ang mga resibo na may pirma lamang at hindi mababasang sulat kamay mula sa mga hindi nakikitang tao bilang patunay na liquidation.
Kasama rin sa panukala na binubuo ng komite ang “An Act Regulating Special Disbursing Officers and Imposing Misappropriation”.
“Layunin nito na palakasin ang proteksyon ng pera ng bayan dahil ito ay madaling maging target ng mga HoAs (higher authorities) at SDPS na abusuhin ang paglabas ng pondo milyong-milyong halaga at bilyon-bilyon nang walang wastong liquidation at walang takot na parusa,” ayon pa sa mambabatas.
Inaasahan na aamyendahan umano ang patakaran ukol sa fidelity bonds at mga inaprubahang halaga ng bonds ng HOAs at SDOs dahil sa imbestigasyon sa confidential funds sa OVP at DepEd, napakaliit ng bonds nina Edward Fajarda at Gina Acosta kumpara sa perang dumadaan sa kanila.
Si Fajarda na SDO ng DepEd ay P4 million lamang umano ang fidelity bonds na malayong-malayo sa P125 million na confidential funds na ipinagkatiwala sa kanya habang si Acosta na SDO ng OVP ay umabot sa P650 million ang pondong dumaan sa kanyang pera pero P8 million ang kanyang fidelity bonds. (BERNARD TAGUINOD)
94