APEKTADO ang mga panukalang batas na kailangang tapusin ng Senado kapag natuloy ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, maraming priority measures ang Kongreso na dapat tapusin bago matapos ang 19th Congress at kung sakaling umabot sa Senado ang impeachment case ay maraming panukalang batas ang madedelay ang pag-apruba.
Tiyak aniyang maraming prayoridad na panukala ang magiging second priority na lamang at wala silang magagawa kundi tutukan ang impeachment sa ayaw man nila o gusto.
Duda rin si Gatchalian kung may sapat pang oras ang Senado dahil halos anim na buwan na lang ang natitira sa kanila bago maghalalan at ang tatlong buwan pa rito ay para sa campaign period.
Magiging malaking usapin ito lalo na sa mga senador na reelectionist dahil kung sila man ay kandidato ay uunahin nila ang mangampanya at tiyaking manalo sa susunod na halalan.
64