(CHRISTIAN DALE)
TOP spender ang Office of the President (OP) pagdating sa confidential and intelligence funds nito noong 2023.
Sa katunayan, gumugol ang tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P4.57 billion na confidential at intelligence expenses noong 2023, ayon sa Commission on Audit (COA) Annual Financial Report.
Ang CIE expenses noong nakaraang taon ay bahagyang mas mataas kaysa sa P4.51 billion noong 2022.
Sa kabuuan, P2.2 billion ay para sa confidential expenses, P2.3 billion ay para naman sa intelligence expenses at P10,052,747.65 para naman sa extraordinary at miscellaneous expenses.
“The Office of the President remained to post the highest amount of confidential expenses, maintaining the same level as last year,” ayon sa report.
Pumangalawa sa pwesto ang Department of Justice na gumastos ng P683.85 million.
Ang iba pang ahensiya na top spenders ng confidential expenses ay ang :
– Office of the Vice President (P375 million) na pumapangatlo sa pwesto
– National Intelligence Coordinating Agency (P127.41 million)
– National Security Council (P90 million)
– Department of National Defense (P78.92 million)
– Department of Interior and Local Government (P75 million)
Makikita sa breakdown ng COA na ang OVP ay naglaan at gumastos ng mas marami sa confidential funds kaysa sa NICA, NSC at NBI, may kabuuang P363.58 million.
Naging sentro ng pagbusisi ng House committee on good government ang di umano’y maling paggamit ng confidential funds ng OVP at Department of Education sa ilalim ng liderato ni VP Sara Duterte noong 2022 at 2023.
Si VP Sara ay nahaharap ngayon sa dalawang impeachment complaints ukol sa alegasyon ng korupsyon, bribery, betrayal of public trust at iba pang high crimes na iniuugnay sa di umano’y maling paggamit ng public funds ng kanyang ahensya.
Itinanggi naman ni VP Sara ang mga akusasyon.
Samantala, kapwa wala namang CIE allocations noong 2023 ang dalawang Kapulungan ng Kongreso.
5