ILANG pamilya ng Persons Deprived of Liberty (PDL) sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ang lumapit kay ACT-CIS Cong. Erwin Tulfo dahil sa sobra-sobrang pananatili na raw ng kanilang kaanak sa New Bilibid Prison.
Ayon sa grupong Aid-Dalaw Nationwide International Movement (AIM), may 10,000 PDL sa NBP ang dapat laya na subalit patuloy na naghihimas ng rehas kahit tapos nang bunuin ang kani-kanilang sentensya.
Paliwanag ni Cong. Tulfo, “Ang reklamo nila, tila hindi agad nare-review ang mga papel ng PDL na dapat ay lumaya na”.
“Ang problema din daw ay natetengga ang pagpirma ng release form ng PDL dahil sa dami na dapat na lumaya na rin,” paliwanag pa ni Cong. Tulfo.
“Isang ginang ng AIM ang nagsabi na ang asawa niya ay nasentensyahan ng walong taong pagkakakulong dahil sa kasong homicide. Sampung taon na raw ang mister niya at sobra na ng dalawang taon sa sentensya sa kanya,” dagdag pa ng Deputy Majority Leader.
Ani Tulfo, ” Kung mapapalaya lang ang 10,000 na overstaying na PDL sa NBP, tiyak luluwag ang ating BuCor”.
Nangako ang ACT-CIS Party-list Representative na iimbestigahan kung saan talaga ang problema para maayos na ang isyung ito.
