NASAGIP ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 23 indibidwal makaraang magbanggaan ang isang motor banca at tourist boat sa baybayin ng Consuelo, Cantilan, Surigao del Sur.
Base sa imbestigasyon, ang insidente ay sanhi ng miscommunication sa vessel signaling.
Ang Coast Guard Sub-Station (CGSS) Cantilan ay nagsasagawa ng coastal security patrol nang mangyari ang insidente dahilan para maglunsad agad ng Search and Rescue (SAR) operation.
Kasama sa nasagip ang 16 pasahero, ang tourist boat captain, isang tourist boat crew, ang motorbanca captain at apat na motor banca crew members.
Isang pasahero ng tourist boat ang nagkaroon ng minor injury na dinala sa pinakamalapit na ospital para sa medical treatment.
Ang iba sa nasagip na mga indibidwal ay nasa mabuti namang kondisyon.
Ang mga operator ng motorbanca ay sumang-ayon sa isang kasunduan o amicable settlement na inaako ang responsibilidad sa mga napinsala ng kanilang bangka.
Sinagot din nila ang mga gastusin sa pagpapagamot sa nasugatang mga pasahero.
Pinaalalahanan naman ng CGSS Cantilan ang parehong mga operator na sundin ang mga hakbang sa pag-iingat bago at sa panahon ng paglalakbay upang maiwasan ang katulad na mga insidente sa hinaharap. (JOCELYN DOMENDEN)
