4TH IMPEACHMENT COMPLAINT VS VP SARA IHAHAIN NGAYON

IHAHAIN ngayong araw sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang kinumpirma ni House deputy minority leader France Castro kung saan 10 hanggang labing dalawang congressmen na karamihan ay mula sa majority bloc ang mag-eendorso.

“Bukas daw yata ihahain (ang ika-apat na impeachment complaint) kaya lang wala pa kaming idea kung anong sector ito at ineendorso daw ng 10 to 12 congressmen and congresswomen sa majority at minority bloc,” ani Castro.

Ang unang tatlong impeachment complaint ay inihain noong December 2024 kung saan ang mga complainant ay mula sa civil society group, progresibong group at grupo ng mga relihiyoso.

Sa kabuuan, anim na miyembro ng Kamara na pawang mula sa minority bloc ang nag-endorso ng unang tatlong impeachment complaint laban kay Duterte na pawang may kinalaman sa kwestyonableng paggastos nito sa kanyang confidential funds.

Sa ngayon ay nasa tanggapan pa rin ni House secretary general Reginald Velasco ang tatlong impeachment complaint laban kay Duterte at hindi pa ipinapasa sa Office of the Speaker dahil may inaantay pa umanong impeachment complaint.

Sa ilalim ng impeachment rules, may 10 session days ang Speaker of the House para ipasa sa House committee on justice ang isang impeachment complaint.

Matapos ito, may 60 session days ang komite para desisyunan ang reklamo laban sa mga impeachment officials kung iaakyat o hindi sa impeachment court o sa Senado para litisin.

Gayunpaman, kapag umabot sa 1/3 sa miyembro ng Kongreso o katumbas ng 103 Congressmen ang mag-eendorso sa impeachment complaint ay hindi na magsasagawa ng pagdinig ang komite ay ididiretso na ito sa Impeachment Court. (BERNARD TAGUINOD)

133

Related posts

Leave a Comment