ANG PAGBABALIK NI ISKO MORENO

TARGET NI KA REX CAYANONG

SA muling pag-anunsyo ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ng kanyang kandidatura para sa pagka-alkalde ng Maynila sa darating na 2025, nabuhay ang pag-asa ng maraming Batang Maynila.

Ayon sa pinakabagong survey ng OCTA Research, malinaw na siya ang nangunguna sa karera, nakakuha ng 74% na suporta mula sa mga botante sa lahat ng anim na distrito ng lungsod—isang hindi matatawarang tagumpay na nagpakita ng walang kapantay na tiwala ng mga Manileño.

Sa unang termino ni Moreno bilang alkalde noong 2019, ipinamalas niya ang isang estilo ng pamumuno na nagbigay-daan sa kaayusan, kalinisan, at mas maayos na serbisyo sa lungsod.

Maraming kababayan ang umaasa na maibabalik ang ganitong sistema matapos ang panandaliang pagbabago sa liderato.

Sa kanyang social media post, pinasalamatan ni Moreno ang mga Manileño sa kanilang patuloy na suporta. “Maraming salamat pong muli mga lolo’t lola ko, nanay tatay, at sa bawat Batang Maynila sa patuloy ninyong pagsuporta at pagtitiwala,” aniya. Ang kanyang panalangin para sa muling pagbabalik ng panatag at maunlad na buhay sa lungsod ay nagbigay-inspirasyon sa kanyang mga tagasuporta, tulad ng kanilang mga pahayag sa social media. “Yorme, sa’yo lang namin naranasan ang maayos at disiplinadong pamumuno sa Maynila. God bless po, Yorme,” komento ni John Guanie Sabesaie.

Samantala, si Den Sumintac naman ay umaasa sa pagpapagawa ng Pritil Market para sa kapakanan ng mga lehitimong manininda. “Kami po ay umaasa sa inyo… Maraming salamat po at patnubayan kayo ng Maykapal,” wika niya.

Isa pang residente, si Marilyn Coy, ang nagsabing panahon na upang bumalik si Isko dahil sa lumalalang kalagayan ng Maynila, kabilang na ang tambak na basura at ang masalimuot na sistema sa mga ospital. “Panahon na po para bumalik ka, Mayor Isko Moreno. Manila God First.”

Aba’y ang mga pahayag na ito ay malinaw na sumasalamin sa pananabik ng mga residente na muling maibalik ang pamumunong tumutok sa kaayusan, kalinisan, at serbisyo.

Bagama’t nangunguna si Moreno sa survey, nananatiling mahalaga ang kanyang patuloy na pakikinig sa mga hinaing ng kanyang mga kababayan, tulad ng usapin sa kalinisan, palengke, at maayos na serbisyong pangkalusugan.

Sa gitna ng hamon ng pamumuno, nananatiling matatag ang tiwala ng mga tao kay Isko bilang simbolo ng muling pagbangon ng lungsod ng Maynila.

At sa darating na halalan, ang tanong ay hindi kung sino ang nangunguna, kundi kung sino ang tunay na makapagbibigay ng pagbabago at kaunlaran na nararapat sa bawat Batang Maynila.

149

Related posts

Leave a Comment