DINAKIP ng mga tauhan ng Organized and Transnational Crime Division (OTCD) ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Vietnamese national sa kasong illegal practice of medicine.
Kinilala ang inaresto na si Trinh Thi Kieu Nguyen aka “Dr. Rosa” dahil sa kasong paglabag sa Section 10 in relation to Section 28 ng Republic Act 2382 (Illegal Practice of Medicine) sa Mandaluyong City.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nadakip ang suspek makaraang inguso ng mapagkakatiwalaang impormante ang hinggil sa isinasagawang medical procedures nito bagama’t hindi awtorisado.
Inaresto ang suspek sa isang beauty clinic sa nabanggit na lugar makaraan ang isinagawang surveillance operation.
Nakumpirmang ang suspek ay nag-aalok umano ng medical procedures tulad ng eyelid surgery, vaginal tightening, Botox at iba pang cosmetic procedures sa JK Beauty Clinic (JK) sa ground floor ng Jovan Condominium Building sa Mandaluyong City.
Samantala, patuloy ang isinasagawang beripikasyon ng mga awtoridad sa Bureau of Immigration hinggil sa status ng pananatili ng dayuhan sa bansa. (RENE CRISOSTOMO)
