PAGBABAGO O STATUS QUO?

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

PAPALAPIT na naman ang eleksyon kaya kaliwa’t kanan na ang pangangampanyang nakikita natin.

Bagama’t hindi pa opisyal, sanay naman tayo na tuwing magkakaroon ng halalan, kani-kanilang diskarte na ang mga kandidato para mas makilala pa. Naging biro na nga rito sa atin na kapag mag-eeleksyon, maraming inaayos na mga kalsada dahil nagpapapogi ang mga politiko.

Pero kamakailan lang, nagpaalala ang Commission on Elections o Comelec sa mga aspirant para sa May 2025 elections. Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, tinitingnan na ng ahensya ang posibleng diskwalipikasyon ng mga hindi sumusunod sa nakatakdang campaign period.

Totoo namang marami nang campaign at election propaganda materials ang nakabalandra sa kung saan-saan, kaya nanawagan ang ahensya na tanggalin ang mga ito. Magsisimula pa lamang sa Pebrero 11 ang 90-day period campaign period para mga senador at party-list representatives, samantalang simula Marso 28 pa papayagang mangampanya ang mga lokal na kandidato.

Ani ng Comelec, kaisa sila ng publiko sa pagkadismaya sa paglaganap ng premature campaigning materials sa pangunahing mga lansangan at mga patalastas sa TV at radyo. Pero siyempre, hindi nagsasayang ng oras ang political aspirants, na kung tutuusin hindi pa naman talaga opisyal na kandidato hangga’t hindi nagsisimula ang opisyal na period ng kampanya.

Kailangan kasi mas makilala pa at siyempre, sa tindi ng pulitika, talaga namang kanya-kanyang pamamaraan para masigurong makukuha nila ang boto. Lalo pa ngayon na hindi naman madaling i-regulate ang maagang pangangampanya dahil sa daling makakuha ng impormasyon at sa dami ng mga channel na pwedeng gamitin.

Habang papalapit na ang mga pambansa at lokal na halalan, dapat naman nating isaalang-alang ang isyung kinaharap natin at mga ginawa ng mga nasa pwesto, lalo na ‘yung mga nagnanais na kumandidatong muli.

Patuloy pa rin tayong humaharap sa mga isyung pang-ekonomiya, pampulitika, at panlipunan. Ang taas na ng cost of living sa Pilipinas, mas marami pang nakatuon sa mga isyu sa pulitika. Bagama’t may mga proyekto at programa naman, marami pa rin talagang problema sa iba’t ibang sektor ng lipunan at aspeto ng pamumuhay.

Kaya ang tanong para sa ating mga boboto, itutulak ba natin ang pagbabago o mananatili sa pamilyar na sistema ng pamumuno? Kung susuriin natin, maraming mga kandidato na may kasaysayan ng pamumuno, ang magbabalik sa entablado ng pulitika, at hindi maiiwasang magtanong ang mamamayan kung sapat ba ang mga reporma at nagawa nilang mga hakbang na makabubuti para sa kanilang mga nasasakupan.

Naniniwala rin ako na bukod sa nasyonal na mga kandidato, kailangan natin talagang tutukan ang mga lokal na lider na direktang nakakaalam sa estado ng kani-kanilang mga lugar, at ang mga talagang dapat isaalang-alang ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan. Mula sa mga barangay hanggang sa mga gobernador at mga miyembro ng konseho, ang mga lokal na opisyal ang may direktang epekto sa mga isyu gaya ng imprastruktura, kalusugan, edukasyon, at seguridad.

Alam naman kasi natin na maraming mga kandidato ang mas pinagtutuunan ng pansin ang kanilang mga personal na interes at political dynasties, imbes na ang tunay na kapakanan ng mamamayan. Kung walang tunay na pagbabago sa sistema ng pamamahala sa lokal na antas, malabong magkaroon ng pagbabago sa mas malawak na antas.

Responsibilidad natin bilang mga botante ang mag-isip ng malalim, magsaliksik, at magdesisyon batay sa mga konkretong plataporma at hindi lamang sa mga pansamantalang pangako.

Kung gusto natin ng mas maunlad at maayos na buhay, kinakailangan din ang ating aktibong pakikilahok sa lahat ng aspeto ng pamumuhay at pamamahala—hindi lamang tuwing panahon ng eleksyon.

100

Related posts

Leave a Comment