NAPAPANAHONG ipatupad ang Republic Act No. 11165 o ang Telecommuting Act na nagmamandato ng alternative work setup upang mabawasan ang hirap ng mga empleyado sa pagko-commute kasabay ng pagpapalakas ng kanilang productivity.
Ito ang iginiit ng pangunahing author ng batas na si Senador Joel Villanueva sa gitna ng inaasahang paglala ng traffic congestion dahil sa pagsasaayos ng EDSA ngayong taon.
Ang pahayag ng Chairperson ng Senate committee on labor ay kasunod ng pangako ng Marcos administration na isusulong ang alternative work arrangements upang makamit ang employment targets sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Sinabi ni Villanueva na matagal na niyang isinusulong ang work from home arrangement dahil kapwa magbebenepisyo rito ang mga employer at empleyado.
Alinsunod din sa Work-from-Home Law, magkakaroon ng sistema para sa oportunidad sa mga taong nais magtrabaho subalit hindi makaalis sa kanilang mga tahanan tulad ng mga nangangasiwa sa kanilang mga tahanan at ang mga nasa lalawigan na hindi makaluwas sa Metro Manila para makahanap ng trabaho.
Nabuo rin ang batas kasunod ng 2018 JICA study na nagsasabing ang traffic congestion sa Metro manila lamang ay nagdudulot ng P3.5 billion kada araw na pagkalugi sa ekonomiya.
Kung hindi aaksyon ang gobyerno ay posibleng umakyat sa P5.4 billion kada araw ang mawawala sa ekonomiya sa 2035. (DANG SAMSON-GARCIA)
