PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
MAY nagtanong na ilang mga tsismosa at tsismoso: Bakit daw magkalaban ngayon ang dating magkakampi na sina Francisco “Yorme Isko Moreno” Domagoso at Mayora Honey Lacuna?
Paano, sino at saan daw nag-umpisa ang lahat?
Bueno, sa mga tsismosa at tsismoso, nangyari ang pagsasaboy ng putik, pagpapasama sa imahe at karakter ni Yorme Isko nang magdeklara itong tatakbo siyang muli bilang alkalde ng Maynila kontra sa dating bise niya na taimtim niyang tinulungan noon, ngayon ay Mayora Lacuna.
Inakusahan ng kampo ni Lacuna na trapo raw si Yorme Isko, kasi nagdeklara siya na tatakbong muli bilang alkalde ng Maynila.
Kasi raw, tinalikuran ni Isko ang “kapamilyang” si Doktora — na ang ama nito, si dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna ang gumiya, naghawi ng landas ni Yorme sa politika ng Maynila.
Wala raw isang salita si Isko na noon, nagdeklarang tatakbong senador at sa kabila ng pakiusap ni Ate Honey, ito ngayon ay babanggain sa darating na mayoral race sa Mayo 12, 2025 midterm elections.
Itinatali na ng mga kritiko ni Yorme ang pusod niya kay Ate Honey, pero kanino ba dapat ituon ang katapatan, sa dating kakampi o sa taumbayan?
Personal interest yata ang tingin ng mga umuupak kay Yorme at hindi ang kung ano kapakanan ng mamamayan na pinangakuang paglilingkuran?
***
Noong konsehal siya, tumalikod si Isko sa mayorya upang maitama ang nakikita niyang mali, ito ay kahit ang katumbas, sabi nga niya ay ang katapusan ng mga biyayang ipinamumudmod sa mga kakampi.
Kung trapo ang pagtalikod sa mali at ituon ang katapatan sa mamamayang Pilipino, ikinasisiya niya sabi ni Yorme, na ikapit sa kanya ang tawag na iyon.
Kontra siya, sabi ni Isko, sa mga politiko na walang ginawa kundi ang magsalita at ipako ang mga pangako.
Iyon ang TRAPO, sabi ni Yorme, pero siya noong nakaupo sa city hall, nagawa niya ang ipinangakong mga pagbabago.
Kung nakita niya na ang mga pakinabang at pagbabago na sinimulan niya sa Maynila ay ipinagpatuloy ng nakaupo ngayon, wika niya, baka hindi niya maisipang muling tumakbo bilang alkalde.
Pero ano ang nakikita ni Yorme Isko: ang dating maganda, maunlad na Maynila, mandin ay tumigil ang ikot ng pagyabong.
Kung sa musmos, imbes na lumaking malusog, nabansot, namayat at kulang na lang dalhin sa intensive care unit.
Ganyan ang naging tingin ng maraming Manilenyo sa siyudad, na mula sa pagiging matipuno sa patnubay ni Yorme Moreno, ang Maynila ay kailangan nang isugod sa ICU.
Kaya sabi ni Yorme, handa lamang siyang makipag-partner sa aniya ay “good” people — mga tao na may magagandang hangad at programa sa kagalingan ng taumbayan.
Ang loyalty niya, tanging sa tao na magtataguyod ng kapakinabangan ng mamamayan.
“Sasama lamang po ako doon sa mga tao na ang nasa isip ay kapakinabangan ng tao, hindi ang kapakinabangan ng (mga) politiko,” sabi niya.
Kung mabuti ang isang politiko at tinupad ang mga sinabi, at ang mga pangako sa bayan, “sasamahan ko sila,” sabi ni Yorme.
E, ang mga nagsasabi na trapo siya, sila pala ang totoong trapo, kasi, hindi sila totoo, maging sa kanilang sarili.
“Kung ang sarili mo ay hindi ka totoo, lalong hindi ka magiging totoo sa tao. Sa mga ganyang tao, hindi ako para maging tapat sa ‘yo dahil ang katapatan ko ay sa taumbayan,” sabi ni Yorme Isko.
Sa mga sinabing ito ni Yorme, damang-dama ang frustration niya, at iyon din ang kabiguan, ang hinanakit ng mga taga-Maynila.
***
Kung inyong napapansin, dear readers, puro atakeng personal ang alam ng kabilang ibayo ng politika ng Maynila.
Kung naging mabuti raw sana ang mga dating kasama sa city hall, hindi niya pag-iisipang muling bumalik na alkalde ng Maynila.
Pero, kung mali, kung hindi mabuti sa Manilenyo, sabi ni Yorme, kahit pa siya ay itinuturing na kapamilya at nakababatang kapatid, “Sorry po, patawad po, hindi ko kayo maaaring samahan!”
May nakikita siya na mali, hindi magandang ginawa at ginagawa, kaya ano ang dapat na gawin?
Sa paniniwala ni Yorme, kung ang isang politiko ay hindi maganda ang trabaho, tama at dapat na punahin, dapat na sabihan na baguhin, at itama, at kung ayaw magbago, ano ang dapat na gawin, dapat hindi suportahan, dapat ay alisan ng kapangyarihang gumawa pa ng mali.
“Pag palpak, itakwil, pag tama samahan, suportahan,” sabi ni Yorme.
Tatakbo siyang muli bilang alkalde, kasi ito ang nakikita niya na makabubuti sa tao, at sa nakikita niyang malakas na suporta, lalo ang malakas na panawagan na bumalik sa Maynila, e sino siya upang tumanggi.
Real talk lang tayo: kaya dati pa ay panay ang pakiusap ni Dra. Honey na ‘wag nang tumakbo ang kanyang Bro. Isko, kasi alam niya at ng kanyang mga kaalyado, mahihirapan sila na manalo sa Mayo 2025.
‘Yung pagtawag nila kay Yorme na “Trapo,” “No word of honor,” yon ay pantakip sa kakulangan ng tropa ni Doktora Mayora Honey.
Kumbaga, smokescreen upang hindi makita ang kanilang kapekean at kakulangan sa serbisyong Manilenyo.
Ang malaking kakulangang ito, ang malaking kapekean, ito ang pupunan ni Yorme sa sandaling siya ay muling maupong alkalde ng Maynila.
Tama ang sika ni Yorme Isko: Sa tao ang katapatan ko, hindi sa politiko.
Sa totoo lang, panahon nang mapalitan ang trapo sa Manila City hall.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com
