P2.7-B SHABU MULA PAKISTAN NASABAT

MAHIGIT 400 kilograms ng crystal meth, o shabu, na P2.7 billion ang halaga mula sa Pakistan, ang nakumpiska sa operasyon noong Enero, ayon sa ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, agad nilang inimpormahan si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla makaraang matanggap ang intelligence report mula sa foreign counterpart, ang hinggil sa parating na drug shipment mula sa Karachi, Pakistan.

Dagdag ni Santiago, bumuo si Remulla ng task force na kinabibilangan ng NBI, Bureau of Customs, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para isagawa ang operasyon.

“Our efforts were successful. We intercepted over 404 kilos of shabu worth P2.7 billion,” pahayag ni Santiago sa isinagawang press conference.

Aniya, ang 404.95 kilo ng shabu ay nakatago sa mga kahon ng mga pagkain na idineklarang vermicelli (isang uri ng noodle) at custards.

Sa tinaguriang “Operation Stonewall”, nabatid na ang Ayan Enterprise/Trading and Logistics ang exporter ng cargo, habang ang

Red Shining Consumer Goods Trading sa Las Piñas City ang designated consignee.

Kinilala ng NBI ang limang suspek na umano’y ginamit sa “layering” process sa pag-import ng droga sa bansa.

Ang mga ito ay sina alyas “Oscar”, consignee; “Kevin”, customs broker; “Richard”, customs broker; “Karen”, chairman ng freight forwarding company, at “Rey”, presidente ng freight forwarding company.

Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 4 ng the Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Section 1401 ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act. (RENE CRISOSTOMO)

6

Related posts

Leave a Comment