IMPEACHMENT TRIAL VS VP SARA TATAWID SA 20TH CONGRESS?

POSIBLENG umabot sa 20th Congress ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte kapag hindi natapos ang paglilitis sa natitirang panahon ng kasalukuyang 19th Congress.

Ito ang paniniwala ni Manila Rep. Joel Chua, isa sa 11 House prosecutors kaya hindi malayong kasama sa pagdedesisyon kung guilty of hindi ang Bise Presidente ang 12 senador na mahahalal sa May 12, 2025.

“Ako po kasi, dalawa po kasi ang school of thoughts diyan pero kami po ang paniniwala ko po, ang Senate is a continuing body. Kaya po kahit po simulan ito sa 19th Congress pwede pa rin ituloy sa 20th Congress,” ani Chua sa press conference kahapon.

Sa ngayon ay walang plano ang liderato ng Senado na i-convene ang kapulungan sa Impeachment court kaya sa June 2 pa posibleng simulan ang paglilitis sa Pangalawang Pangulo.

Gayunpaman, 12 araw lamang ang natitirang araw ng 19th Congress dahil sa June 13 ay sine die adjournment kaya marami ang naniniwala na hindi matatapos ang paglilitis sa pangalawang pangulo.

Ayon naman kay House deputy majority leader Jude Acidre, nangyari na ito sa Amerika noong ipa-impeach si dating United States (US) President Bill Clinton dahil sa pagsisinungaling at obstruction of justice.

“Si Bill Clinton, dating pangulo ng USA ay na-impeach nung 105th Congress. Tapos ang trial niya ay nangyari nung 106th Congress, Senado ng 106 Congress,” paliwanag ng mambabatas.

Ito aniya ang dahilan kaya nilinaw sa 1987 Constitution na magkaiba ang legislative and non-legislative function of Congress.

Bank Records Makakalkal

Hindi maiwasang makakalkal ang bank records ni Vice President Sara Duterte at maging ang kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte kapag tuluyan na itong nilitis ng Impeachment Court.

Ani Chua, hihilingin nila sa impeachment court na i-subpoena ang mga bank record ng pangalawang pangulo.

“The impeachment process allows us to complete the evidence to support our case, and that includes subpoenaing financial records if necessary through the Senate impeachment court,” aniya.

Noong sumailalim sa impeachment trial si dating Supreme Court (SC) chief justice Renato Corona noong 2012, ipina-subpoena rin ang bank records nito at ginamit na ebidensya para patunayan ang alegasyon ng ill-gotten wealth at hindi pagdedeklara ng kanyang totoong Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Isa ito sa mga dahilan kaya nasetensyahang guilty si Corona at pinatawan ng perpetual disqualification in public office at pagkakatanggal niya bilang chief justice ng Kataas-taasang Hukuman.

Ito rin umano ang gagawin ng House prosecutors sa impeachment trial ni Duterte lalo na’t ang hindi maipaliwanag na paglago at hindi pagdedeklara sa kanyang tunay ng yaman ang isa sa 7 article of impeachment na ipinasa na ng Kamara sa Senado.

Base sa nasabing kaso, sinasabing lumago ng apat na beses ang net worth ni Duterte sa loob ng 10 taon o mula 2007 hanggang 2017 subalit hindi umano tumataas ang kanyang kita partikular na ang kanyang sahod.

Bukod dito, hindi rin umano maipaliwanag ng bise presidente ang kung paano nito kinita ang kanyang P11.6 million mula 2006 hanggang 2015.

Tiyak din na damay ang kanyang ama dahil ipapa-subpoena din umano ang bank transaction sa kanilang joint account sa isang bangko kung saan umaabot umano sa P2 billion ang laman. (PRIMITIVO MAKILING)

6

Related posts

Leave a Comment