Mga deboto ni Sta. Marta umalma LINO AT FILLE CAYETANO GINAMIT PAGODA SA PULITIKA?

INULAN ng batikos sina dating Taguig Mayor Lino Cayetano at kanyang asawang si Fille Cainglet-Cayetano, matapos umanong gawing entablado ng pulitika ang sagradong tradisyon ng Pagoda sa Daan para kay Santa Marta.

Sa isang pahayag sa kanilang Facebook page, isang grupo ng mga deboto ang mariing kinondena ang tahasang paggamit ng relihiyosong okasyon upang isulong ang kandidatura ni Lino Cayetano.

“Kami, bilang mga nagkakaisang mamamayan at deboto ni Santa Marta, ay mariing kinokondena ang ginawang paggamit sa Pagoda sa Daan ng Pateros bilang kampanya para kay Lino Cayetano.”

Dismayado ang mga deboto na pinahintulutan ng JCI at ng Simbahang Katoliko ang umano’y pagsalaula sa kanilang taunang debosyon. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pananampalataya, ginamit anila ito sa pulitika. Lalo pang ikinagalit ng grupo ang di umano’y pamimigay ng mga placard sa mga kabataan at ang pag-uudyok sa kanila na isigaw ang pangalan ni Lino habang isinasagawa ang prusisyon.

“Isang malinaw na pambabastos ito hindi lamang sa aming pananampalataya kundi maging sa mismong diwa ng Pagoda sa Daan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pateros, nagkaroon ng ganitong uri ng pagkilos!” ayon sa grupo.

Dahil dito, nananawagan sila sa lahat ng may kinalaman sa nasabing pangyayari na itama ang nagawang paglapastangan sa sagradong tradisyon.

Sinang-ayunan naman ang mga ito ng mga netizen.

Sabi ni Tricing Alindong: “Hindi tama ang paggamit ng relihiyosong okasyon para sa kampanya. Respeto naman sa pananampalataya ng iba.”

“Nakakagalit na pati ang mga kabataan ay ginamit para sa political agenda. Saan na ang delicadeza?” tanong ni Erik Garciano.

“Ang pagoda ay para sa debosyon, hindi para sa politika. Nakakabahala ang ganitong mga gawain,” dagdag ni Miko Lastimosa. Nitong nakaraang taon, nasangkot din sa kontrobersya si Lino Cayetano matapos kumalat ang kanyang mga tarpaulin na may nakasulat na “LABAN LINO,” na nakitang nakapaskil sa mga puno at malilinis na pader sa iba’t ibang barangay ng Taguig.

Ang ganitong gawain ay tahasang paglabag sa Republic Act No. 3571, na nagbabawal sa pagsira o pagsasagawa ng anomang aktibidad na maaaring makapinsala sa mga puno sa pampublikong lugar.

Mariin din itong kinondena ng netizens at environmental groups, kabilang ang EcoWaste Coalition, na nanawagan sa mga kandidato na huwag gawing kasangkapan ang kalikasan sa pangangampanya.

Ayon sa grupo, hindi lamang ito nakasisira sa mga puno kundi nagdudulot din ng matinding basura sa lansangan.

Matatandaan din na noong Oktubre 2024, ibinasura ng Election Registration Board (ERB) ng Comelec-Taguig City ang kahilingan nina Lino at Fille Cayetano na ilipat ang kanilang voter registration mula Ikalawang Distrito patungo sa Unang Distrito ng Taguig-Pateros.

Ayon sa 24-pahinang resolusyon ng ERB, hindi nakapagbigay ang mag-asawa ng sapat na ebidensya upang patunayan ang kanilang paninirahan sa Pacific Residences, Brgy. Ususan. Dahil dito, nananatili ang kanilang rehistrasyon sa Brgy. Fort Bonifacio, kung saan sila bumoto noong 2023 Barangay at SK elections.

15

Related posts

Leave a Comment