KUMBINSIDO ang isa sa labing isang House prosecutor ng impeachment court na mapapatunayan ang pagkakasala ni Vice President ‘Inday’ Sara Duterte-Carpio kapag nagsimula na ang pagdinig sa impeachment ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte (FPRRD).
Lalong ganado ang katukayo ng dating pangulo na si 1-Rider party-list congressman Ramon Rodrigo ‘Rodge’ Gutierrez matapos lumabas sa isang survey na 73 porsyento ng mga Pilipino ang nagnanais sumaksi sa impeachment trial, partikular na sa pagbabanta ni VP Sara sa buhay nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM), First Lady Marie Louise ‘Liza’ Araneta-Marcos (FLAM) at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“Whether ako personally, of course as part of the prosecution, I believe in this case. I believe na there was that we can establish (her) guilt,” deklara ni Gutierrez sa press conference kahapon.
Sa 7 artikulo ng impeachment, pahayag ng pangalawang pangulo sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 na kumausap na sita ng taong papatay kina Marcos, maybahay nito at kay Romualdez kapag may masamang nangyari sa kanya.
May plano ang anak ni FPRRD na huwag humarap sa impeachment court kung kinakailangan subalit sa survey ng Tangere noong, lumabas ngang 73 porsyento ng mamamayan ang nais na personal itong humarap sa paglilitis.
“Ang malinaw dito, nais ng ating mga kababayan na managot ang sinumang lumalabag sa batas, kahit pa ito’y isa sa pinakamataas na opisyal ng bansa,” ayon naman kay Ako Bicol party-list congressman Raul Angelo ‘Jill’ Bongalon, na kabilang din sa 11 House prosecutor.
Bukod dito, lumabas din sa survey na 51 porsyento ng publiko ang sumusuporta sa impeachment complaint habang 53 porsyento rin ang nais malitis ang bise presidente sa maling paggamit sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Nais din umano ng 51 porsyento na malitis si VP Sara sa umano’y unexplained wealth nito at hindi tugmang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) sa kanyang kinikita.
“Ang ating mga kababayan ay naghahangad ng malinaw na paliwanag ukol sa mga isyung ito. Hindi natin sila dapat biguin. These figures reflect a significant portion of our population demanding transparency and accountability in the use of public funds,” pinuno ng kongresista. (PRIMITIVO MAKILING)
