PAGBABAKUNA LABAN SA ASF IKINATUWA NG AGRI SECTOR

IKINATUWA ng samahan ng mga magbababoy partikular ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Party-list ang mabilis na tugon ng pamahalaan sa kanilang inilahad na mga suliranin sa Quinta Committee hearing kamakailan kaugnay sa mga hamon na nakaaapekto sa sektor ng agrikultura gaya ng kakulangan sa ASF vaccine.

Ayon kay AGAP Party-list Rep. Nicanor “Nick” Briones, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes na maaaring magkaroon ng go signal ang commercial vaccination laban sa African swine fever (ASF) sa Abril.

Aniya, sinabi ni DA Assist. Sec. Arnel de Mesa na target ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., na first week ng Abril posibleng mayroon nang commercial approval ang AVAC vaccine ng Vietnam.

Hinikayat ng AGAP Party-list ang pamahalaan na ilibre o i-subsidize ang bakuna laban sa ASF para sa alagang baboy ng backyard hog raisers.

Binigyang-diin ni Rep. Briones na hindi kakayanin ng maliliit na magbababoy ang P12,500 kada bote ng AVAC vaccine na mayroong 50 doses.

“Mahalagang i-libre o i-subsidize ng gobyerno ang bakuna para sa mga ito,” ayon kay Briones. Aniya, kung hindi ito gagawin ng pamahalaan posibleng hindi na magpabakuna ang mga backyard raisers ng kanilang mga alaga kaya’t namemeligrong kumalat pa rin ang ASF sa bansa.

Importanteng mabakunahan kaagad aniya ang 6.3 milyon na piglets hanggang fatteners upang masugpo ang nasabing sakit.

Samantala, ipatutupad na ng DA ang maximum suggested retail price o MSRP para sa karne ng baboy ngayong Marso sa gitna ng pagtaas ng presyo ng karne ng baboy. Ipinanawagan ni Briones ang pagpapataw ng MSRP at mga imported na karneng baboy ang dapat unahin bago ang lokal na karne dahil kusa aniyang bababa ang presyo nito kung magiging 200/kg ang presyo ng imported.

“Kung magpapatupad ng MSRP sa presyo ng lokal na baboy dapat mayroon din minimum farm gate price upang hindi malugi ang magbababoy. Kung bababa sa minimum na FGP, kailangan magbawas ng importasyon ng baboy at magtaas ng taripa na ipapataw sa imported na baboy,” wika ni AGAP Partylist Rep. Briones.

Ikinatuwa rin ni Briones ang ginawang pag-convene ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga implementing agencies ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council.

Sa ganitong paraan, giit ni Briones, magiging maayos at epektibong maipatutupad ang batas laban sa mga iligal na gawain tulad ng smuggling, hoarding, profiteering, at kartel sa agricultural products. Ito ang batas kung saan si Agap Partylist Congressman Nikki Briones, ang principal sponsor at author ng Anti Agricultural Economic Sabotage Act.

“Kailangan natin ng maunlad na magsasaka para sa mura, de kalidad at sapat na pagkain ng pamilyang Pilipino,” pagwawakas ni AGAP Rep. Briones.

19

Related posts

Leave a Comment