(CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT)
NAGHAIN ng petisyon si Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema na humahamon sa ‘validity at constitutionality’ ng 4th impeachment complaint laban sa kanya.
Ang petition for certiorari and prohibition ay inihain sa Korte Suprema nitong Martes, Pebrero 18.
Kabilang sa mga respondent ng petisyon sina House Speaker Martin Romualdez, House Secretary General Reginald Velasco at Senate President Francis Escudero.
Inihain ang nasabing petisyon ng kampo ni VP Sara sa pamamagitan ng Fortun Narvasa and Salazar law offices.
Sa ulat, napag-alaman na natanggap ito ng Korte Suprema subalit hindi na naihabol pa sa kanilang en banc session.
Bukod ito sa petisyon ng apat na Mindanaoan lawyers para harangin ang impeachment proceedings laban kay VP Sara.
Sa ulat, hiniling din kasi ng mga abogado na sina Atty. Israelito Torreon, Atty. Martin Delgra, Atty. James Reserva, Atty. Hillary Olga Reserva, at Atty. Luna Acosta—na magpalabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) at Injunction para ipawalang-bisa ang impeachment complaint.
Ayon sa mga ito, depektibo at hindi dapat dinggin ng Senado ang impeachment complaint na inihain ng Kongreso.
Sinabi pa ng mga petitioner, hindi pinag-aralang mabuti ng mga lumagda sa reklamo ang nilalaman nito, at biglaan lamang isinama sa usapin ng impeachment.
Subalit para sa Kongreso, moot and academic na ito dahil nasa Senado na ang reklamo at hindi na ang korte ang may hurisdiksyon dito.
Nitong February 5 nang maaprubahan ang ika-apat na impeachment complaint laban sa bise presidente sa Kamara de Representantes matapos makakuha ng 215 na pirma mula sa mga mambabatas.
Duterte Panic Mode
“IT’S panic mode now for VP Duterte”—paglalarawan ng isa sa 11 House prosecutor sa hinaing petisyon sa Korte Suprema ng tinaguriang ‘Davao Lawyers’ na defense counsel ni Vice President Sara Duterte-Carpio sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon kaugnay ng impeachment proceedings laban sa anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Kahit hindi pa namin nababasa ang petisyon, tiyak kami na ito’y dalawang bagay lamang: isang publicity stunt o hindi maitatagong patunay na ang kampo ni Vice President ay nasa panic mode,” wika ni Ako Bicol party-list representative Raul Angelo ‘Jil’ Bongalon.
Saad sa petisyon, hindi umano dumaan sa tamang proseso ang impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara dahil sa halip na ang unang tatlong kaso ang binigyan atensyon ay ang ika-apat na reklamo ang diniretso sa Senado.
Magugunita na bago ang 4th impeachment case na hinain noong Pebrero 5, 2025 na inendorso ng 215 mambabatas sa Mababang Kapulungan, mayroong tatlong kasong isinampa laban sa bise presidente noong Disyembre 2024.
Gayun man, hindi agad inendorso ni House secretary general Reginald Veloso ang unang tatlong kaso sa Office of the Speaker dahil animal na kongresista lang ang nag-endorso sa mga kasong ito kaya nagsampa ng petisyon ang kampo ni VP Sara para ipatigil ang impeachment proceedings.
“In their utter desperation, the Vice President’s camp is throwing the proverbial kitchen sink to stop the inevitable—for the Senate to commence trial and for the public to finally see the overwhelming and damning evidence against her,” ayon kay Bongalon.
Ipinagkibit-balikat din lang ni Veloso ang petisyon ng kampo ni Duterte dahil ang kinukuwestiyong unang tatlong kaso ay in-archive at hindi ginamit sa article of impeachment na siyang ibinigay sa Senado.
“This issue is moot. The three impeachment complaints, filed earlier by order of the plenary on February 5th, have been transmitted to the Archives,” pinunto nito sa panayam.
Sinabi naman ng Makabayan bloc na nililito lamang ng pangalawa ng Pangulo ang taumbayan upang magkaroon ito ng katwiran na harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanyang tulad ng paglustay sa kaban ng bayan.
“It is disappointing to see the Vice President attempting to hinder the process instead of embracing it as an opportunity to defend herself, as she claimed she was ready to do. She is deceiving and confusing the few supporters she has left,” punto ng Makabayan bloc. (Dagdag na ulat ni PRIMITIVO MAKILING)
