TARGET NI KA REX CAYANONG
SA harap ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na palakasin ang ekonomiya at lumikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, muling iginiit ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang suporta nito sa Special Class Business Process Outsourcing (SCBPO) sector.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco, mahalaga ang papel ng SCBPOs sa pagbibigay ng mataas na kalidad na hanapbuhay sa libu-libong Pilipino, kasabay ng pagpapalawak ng industriya ng BPO sa bansa. Hindi maikakaila ang naging ambag ng industriya ng BPO sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Kilala ang mga Pilipino sa kanilang husay sa customer service, IT solutions, at iba pang back-office support, dahilan kung bakit patuloy tayong kinikilala bilang isa sa pangunahing outsourcing hubs sa mundo. Ngunit bukod sa tradisyunal na BPOs, naririyan din ang SCBPOs, isang espesyal na klase ng outsourcing companies na lisensyado ng PAGCOR dahil sa kanilang pagseserbisyo sa gaming companies sa ibang bansa.
Ayon kay Chairman Tengco, katulad lamang ng ordinaryong BPOs ang SCBPOs, sa aspetong sila’y nagbibigay ng suporta sa iba’t ibang negosyo sa ibang bansa. Ang pangunahing kaibahan ay ang kanilang kliyente—lehitimong gaming companies na nangangailangan ng human resource, marketing, graphic design, accounting, at iba pang back-office support. Mahigpit ding tinitiyak ng PAGCOR na ang SCBPOs ay hindi direktang nakikilahok sa gaming operations tulad ng pagtanggap o pangangalap ng taya.
Isa sa mga pinakamalaking benepisyo ng SCBPO sector ay ang patuloy nitong pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. Sa kasalukuyan, may halos 5,000 Pilipinong manggagawa ang nagtatrabaho sa SCBPOs, at patuloy itong inaasahang lalago sa mga darating na taon. Dahil kinikilala ng mga dayuhang kumpanya ang galing at dedikasyon ng mga Pilipino, mas marami pang oportunidad sa trabaho ang magbubukas sa hinaharap.
Isang mahalagang mandato ng SCBPOs ay ang pagsigurong 95% ng kanilang workforce ay mga Pilipino.
Patuloy na isusulong ng ahensya ang paglago ng SCBPO sector upang higit pang mapalakas ang industriya ng outsourcing sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng suporta sa mga dayuhang mamumuhunan na nais ipagpatuloy ang kanilang operasyon sa bansa, mas magiging matatag ang ating ekonomiya at mas maraming Pilipino ang makahahanap ng disenteng trabaho.
Kaya sa patuloy na suporta ng PAGCOR, SCBPOs, at iba pang mga ahensya ng gobyerno, masisiguro nating ang Pilipinas ay mananatiling isang nangungunang destinasyon para sa outsourcing, kasabay ng paglikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan.
