KASO NI ALICE GUO SA BI, TINULUGAN?

BISTADOR ni RUDY SIM

HABANG mainit na pinag-uusapan ang isinalang na impeachment kay Vice President Inday Sara Duterte at habang abala ang mga kandidato sa panunuyo ng boto ng taumbayan, ay tila nakalimutan na kung ano ang nangyari sa deportation case sa Bureau of Immigration ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.

Matatandaang dalawang beses na iniharap sa media ng Board of Special Inquiry ng BI, sina Shiela Guo noong October 4 at Alice Guo noong November 15, 2024 kung saan ay dininig ang kasong pamemeke sa citizenship ng dalawa at nangako ang ahensya na kanilang gagawin ang kanilang tungkulin upang sakaling mapatunayang hindi sila tunay na Pilipino ay mahaharap ang dalawa sa deportation

Sa naturang clarificatory hearing ay inilabas sa media ng BSI-BI ang ilang dokumentong nagpapatunay na nag-match ang fingerprints at larawan sa kanilang alien certificate of registration na nauna nang itinanggi ng kanilang abogado, at matatandaang iginiit ni Guo na sila ay tunay na Pilipino na lumaki sa farm.

Ang kaso ng mga Guo ay tinutukan sa social media ng taumbayan na dinaig pa ang telenovela ni Marimar at ng Meteor Garden kung ano ang ending story nito, mula sa pagtakas ni Guo sa bansa na labis na ikinagalit ni PBBM at sinabing may mga ulong gugulong sa BI na mananagot ngunit sa bandang huli ay tanging si dating commissioner Norman Tansingco lamang ang nasibak, at hindi na muling naungkat ang sana’y imbestigasyon sa umano’y pag-escort noon ni BI Clark Chief Maan Lapid kay Alice Guo sa airport noong nagtungo ito sa isang exclusive resort sa Balesin bago pa naiulat na wala na sa Pinas si Guo.

Bakit hindi naisama sa imbestigasyon ang hepe ng Clark, dahil ba anak ng senador? Sumalang sa maraming imbestigasyon si Guo sa Tuwadcom ng Kongreso at Senado, pero ano ang naging kinahinatnan nito? Bakit hanggang ngayon ay hindi inilalabas ng BI ang resulta ng kaso ni Guo? Mayroon ba kayong itinatago o may pressure sa taas dahil nagka-aregluhan na?

Akala ng taumbayan ay seryoso na ang gobyerno para mapanagot si Guo sa kanyang mga paglabag sa batas. Mula nang maibalik sa bansa matapos na mahuli sa bansang Indonesia, ay tila naging celebrity pa si Guo noong sinundo ito ng mga ahente ng BI at NBI.

Nagtatanong ang taumbayan, ano na BI, tinulugan ba ninyo ang kaso ni Guo, nangako kayong ilalabas agad ang resolution after 15 days, aba!! Malapit na naman matapos ang buwan ng Pebrero pero wala pa kayong inilalabas!! Anyare??

***

Samantala, ano itong natanggap nating reklamo na maging ang travel agencies na legal na may accreditation sa BI ay hinihingian umano ng tara kada Friday ng isang opisyal ng CSU at ginagatasan ng ilang kawani ng Intelligence Division na anak pa ng beteranong ahente na talamak sa pangongotong, at ilang tauhan ng visa processing unit. ‘Yan ang ating susunod na ibibisto… ABANGAN!!

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text lamang ako sa 09158888410.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

8

Related posts

Leave a Comment