(NI HARVEY PEREZ)
BALAK ni Manila Mayor-elect Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na bilhin sa mga household ang kanilang mga basura .
Ito ay bilang patunay na may mga nakahanda na siyang pamamaraan kung papaano iaahon sa pagiging dugyot ang Lungsod ng Maynila .
Matatandaan na sinabi ni Domagoso matapos na maiproklama bilang bagong halal na alkalde ng lungsod, na ‘paliliguan’ niya ang lungsod, upang maalis ang pagiging ‘dugyot’ nito.
Ipinaliwanag ni Domagoso na dating basurero bago naging artista, sa halip na pera ay coupon na maaaring ipampalit sa bigas at de lata, ang makukuha ng mga residenteng magbebenta ng basura.
“Bilang dating basurero… ‘yung basura mo, bibilhin ko po ‘yun kasi nakita ko na if you would stimulate or put these incentives, baka mahikayat, mabuhayan ang tao,” ayon kay Domagoso.
Plano rin niya na ibalik ang mga metro aide o street sweepers ng lungsod upang may regular na magwawalis sa mga kalsada, mula umaga hanggang hapon.
Aalisin na rin ni Domagoso na ang towing sa lungsod upang mabawasan ang pangingikil ng ilang opisyal ng pamahalaan pero hindi tinukoy kung ano ang sistemang plano niyang ipalit dito.
Kasabay nito, hinimok ni Domagoso ang mga Manileño na magkaroon ng disiplina at magkusa na sa pagsunod sa mga batas trapiko.
Hinikayat din niya ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan na ihinto na ang pamumulitika sa pagpasok ng bagong liderato.
Dapat umano ay magbati-bati na at magkaroon na ng pagkakaisa para sa ikauunlad ng Maynila.
216