(NI ABBY MENDOZA)
NAGHAHANDA na ang mga kongresista sa muling pagbabalik ng sesyon sa Lunes, Mayo 20.
Magtatagal pa ang 17th Congress ng mula Mayo 20 hanggang sa sine die adjournment sa Hunyo 7.
Muli itong magbe-break mula Hunyo 8 hanggang Hulyo 21 at sa pagbabalik ng sesyon sa Hulyo 22 ay magbubukas na ang First Session ng 18th Congress o ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Assistant Majority Leader Bernadette Herrera-Dy , inihahanda na nila sa mayorya ang mga panukala na dapat maipasa bago matapos ang 17th Congress gayundin ang mga batas na naipasa at hinihintay na lamang ng pirma ng Pangulo.
Nabatid na ilan sa panukalang batas na pirma na lamang ni Duterte ang kailangan ay ang institutionalization ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Magna Carta for the Poor, at Anti-Gender-Based Sexual Harassment Act.
Samantala, isinusulong naman ni 1-Ang Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belaro na maaprubahan agad sa pagbabalik ng sesyon ang mga nakabimbing panukala para sa 3rd and final reading.
Kabilang sa mga panukala na nais nitong maaprubahan na ay ang batas para sa mga guro tulad ng paglilibre sa pagpapataw ng buwis sa honoraria, allowances at benepisyo ng mga gurong nagtatrabaho sa halalan.
Samantala, mayroon pang 11 panukala kaugnay sa pagpapabuti ng edukasyon sa bansa ang naisumite na sa Senado.
Inaasahan din na mapipirmahan na ni Duterte bilang ganap na batas ang mga education bills tulad ng National Museum Act, at Magna Carta for Scientists.
122