PANALO SA MAYNILA, SIGURADO NA; 67% VOTER PREFERENCE NAKUHA NI ISKO

SA huling survey ng OCTA Research, mula Marso 2-6, nagrehistro si dating Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ng magandang senyales na mananalo siya sa darating na May 12 midterm elections.

Nakubra ni Yorme Isko ang 67% voter preference sa resulta ng OCTA na inilabas ngayong Biyernes, Marso 28, kasabay ng opisyal na pangangampanya ng mga aspiranteng alkalde sa Maynila.

Kumubra lamang ng 16% ang katunggaling si Rep. Sam Versoza, kasunod si Honey Lacuna na nagrehistro naman ng 15%.

Ibinadya pa ng OCTA Research ang posibleng landslide victory ng Yorme’s Choice sa pre-election poll sa anim (6) na distrito ng Maynila.

Kung manalo, idineklara ni Yorme na agad-agad uumpisahan ang todong paglilinis sa siyudad.

Wika ni Isko, ipinangako niya na “lilinisin ko ulit ang Maynila.”

Kung nakaya niya noon na malinis at mapatino ang pamamalakad sa lungsod, sinabi ng dating alkalde na ibabalik niya ang disiplina, kapanatagan at mas palalakasin ang serbisyong totoo sa Manilenyo.

“Aalisin ko ang kadugyutan. Magbibigay ulit tayo ng kapanatagan na habang natutulog sila, meron pang gobyerno sa kalsada hanggang madaling araw,” sabi ni Kois sa nakaraang panayam.

Natanyag ang Maynila sa unang termino ni Yorme Isko sa kamangha-manghang pagtayo ng mga proyektong pabahay, modernong ospital, klinika, laboratoryo at ang COVID Field Hospital na nagligtas sa buhay ng maraming Pilipino.

Ginaya at naging modelo ang mabuting pamamahala ni Isko sa sumunod na tatlong taon niya, lalo na ang mabilis na kilos sa mga sakuna, kalamidad at pagtulong sa kapwa.

Palalakasin niya, sabi ni Yorme Isko ang tulad ng Go Manila app at iba pang teknolohiya upang mas mapabilis ang kilos ng mga transaksiyon sa Maynila.

Mula sa dukhang pamilya, nang maging alkalde, inuna ni Isko ang problema ng mga iskwater at trabaho, hanapbuhay at pangangailangang sosyal ng sinasabing “latak” ng lipunan.

“Dati squatter ka katulad ko, ngayon pipindot ka na lang ng elevator—’15th floor, please,'” sabi ni Isko, patungkol sa modernong pabahay na naitayo sa siyudad.

Ipinakumpuni niya ang iba’t ibang paaralang publiko, nagtayo ng mga modernong gusaling sentro ng karunungan at libo-libong Iskolar ang ngayon ay mga kilalang propesyonal sa larangan ng medisina, inhinyerya, teknolohiya, siyensiya, negosyo at iba-ibang kasanayan.

Huling pangyayaring magseselyo ng tagumpay ng Yorme’s Choice, sumanib puwersa na ang mga samahang nakalubog sa masa, kabilang ang Kababaihan ng Maynila, KABAKA, at Kaagapay ng Manilenyo.

Sa pagtitiwalang magagawa uli ni Isko ang nakamamanghang pagbabago sa itsura at mukha ng Maynila, maging ang samahang FEJODAP at iba pang samahan ng mahihirap na sektor ang nagpahayag ng malakas na suporta sa kandidatura ni Yorme at katiket na bise-alkalde na si Chi Atienza.

“Makakaasa kayo na para maging isang mabisang bise-alkalde, susuportahan ko nang buong-buo si Yorme Isko Moreno,” sabi ni Atienza.

Malinis na eleksiyong patas ang dala-dalang mantra ng Yorme’s Choice na kinatigan ni Rodelio Sotto, presidente ng FEJODAP.

Naniniwala si Sotto na maibabalik ni Yorme Isko ang mabuting gobyerno na kumakalinga sa aspirasyon at pangarap ng Manilenyo.

Wika ni Sotto, nawala ang gobyerno sa Maynila, naging dugyot uli ang Divisoria at sala-salabat ang trapiko sa mga kanto.

Umaasa ang FEJODAP, Kababaihan ng Maynila, Kabaka at Kaagapay ng Maynila na sa muling pag-upo ni Isko sa Manila city hall, maibabalik ang ningning at glorya ng siyudad.

“Ibabalik po natin ang kapanatagan, kaayusan at ating titiyakin, sa araw, sa gabi at madaling araw ng bawat araw, mararamdaman nyo na may kumikilos at mapagkalingang gobyerno sa ating lungsod,” sabi ni Yorme Isko. (BP)

68

Related posts

Leave a Comment