Isa sa usaping hindi gaanong nabibigyan ng pansin ay ang kalusugan ng mga inang Pilipino, lalo na yung mga nasa mahihirap na komunidad.
Hindi prayoridad ang kalusugan sa mga mahihirap na pamilya dahil nakatuon ang pagkita ng pera para sa pagpupuno ng mga batayang pangangailangan gaya ng pagkain at tirahan.
Sa mga pamilyang maswerteng nakakapagbigay atensiyon sa kalusugan, una siyempre rito ang kapakanan ng mga anak o ama, at balewala na ang sa ina.
Sa nakalipas na ilang taon, nakita ang pagtaas ng maternal mortality sa bansa. Umpisahan sa mga namamatay sa panganganak dahil na rin sa ‘di gaanong napag¬handaang pagbubuntis.
Natural, kulang sa pangangalaga ng doktor, salat sa nutrisyon, kaya nagiging high-risk ang pagbubuntis. Kung hindi rin napangalagaan ang pagbubuntis, malamang magiging delikado rin ang pangaganak.
Kaya madalas, kung mataas ang maternal mortality rate, mataas din ang child mortality rate.
Isang kabalintunaan na sa katotohanan, madalas nga na napapabayaan ang kalusugan ng mga ina. Bagamat kung tutuusin, dapat itong inuuna dahil nakatali sa kalusugan ng nanay ang kalusugan ng pamilya at bayan kung tutuusin.
Dahil kung hindi malusog ang nanay, ano naman ang ipapasuso niya sa anak pagkapanganak? Ang kahihinatnan ay parehong malnourished o kaya ay undernourished ang ina at anak.
Kung maysakit ang nanay, paano niya mapapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mag-anak? Kung napabayaaan ang kalusugan ng mga anak dahil may problema mismo ang ina, anong klaseng kabataan ang uusbong galing sa mga pamilya?
Paano makakagampan ng epektibo ang ama ng tahanan sa kanyang hanapbuhay kung siya ay hindi rin maayos na nasusuportahan sa mga batayang pangangailangang pangkalusugan?
Sadyang magkakaugnay ang mga isyu sa usapin na maternal health. Habang hindi naiintindihan ang mahalagang nagagampanan nito sa kalusugan at kapakanan ng buong komunidad o sambayanan, patuloy na ito ay laging nasa huli ng talaan ng mga priority issues ng pamahalaan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
