NANINIWALA si NCRPO Deputy chief for Administration Police Brig Gen. Rogelio Peñones Jr. na pagnanakaw talaga ang motibo ng walong tauhan ng EPD-DSOU nang pasukin ng mga ito ang bahay ng isang negosyanteng Chinese.
Pinasok ng mga pulis ang bahay ng dayuhan noong Abril 2 dakong ala-una ng hapon sa Portofino Heights, Barangay Almanza Dos sa Las Piñas para silbihan ng maling warrant of arrest.
Ayon kay Peñones Jr., hulidap ang lakad ng mga nasabing pulis matapos nilang limasin ang pera, alahas, at mahahalagang gamit ng Chinese na umaabot sa P85 milyon.
Tikom pa rin ang bibig ng walong pulis kung nasaan ang mga umano’y kinulimbat na alahas, pera at gamit at tanging nailutang lang ay ang P12 milyon na umano’y ginamit na pangsuhol ng inaresto nilang Chinese.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, maliban kay EPD Director Police Brig Gen Villamor Tuliao na naalis sa pwesto dahil sa command responsibility ay wala nang ibang mataas na opisyal ang madadamay at masisibak.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Las Pinas City PNP ang walong pulis matapos silang sampahan ng patong-patong na kaso.
(TOTO NABAJA)
