RAPIDO ni PATRICK TULFO
PUMUTOK na ang balita hinggil sa pagdukot sa negosyanteng Chinoy na si Anson Que, may-ari ng Elison Steel, at kanyang driver habang kumakain sa isang seafood restaurant sa Macapagal Ave. sa Pasay City noong Marso 29.
Sa kasamaang palad ay nakita na ang bangkay ng mag-amo sa Rodriguez, Rizal kahit na, ayon sa report na lumabas sa isang pahayagan, nagbayad daw ng ransom ang pamilya nito.
Ayon sa post ng aking ama at dating mamamahayag na si Ramon Tulfo sa kanyang FB page, nagbayad daw ng humigit kumulang na P160 milyon ang pamilya ng biktima para sa kalayaan nito.
Sa naturang post, sinabi rin nito na Chinese Mainlanders daw ang nasa likod ng krimen.
Saglit namang nasibak sa pwesto si P/Col. Elmer Ragay, direktor ng Anti-kidnapping Group ng PNP, dahil sa mga pangyayari pero muling naibalik din sa pwesto.
Ito ay matapos na magkonsulta sa COMELEC ang pamunuan ng PNP at sinabihan ito na bawal maglipat ng mga opisyales, ayon na rin sa Comelec Resolution 11059.
Naging tikom naman ang bibig ng mga opisyal ng PNP sa insidente bago ito naglabas ng pahayag sa nangyari.
Matatandaang sinabi ni PNP chief, General Francisco Marbil na pinalalabas sa mga post sa social media na lumalala ang krimen sa bansa kahit na sa kanilang datos ay bumaba pa nga raw ito.
Kailan kaya magsasalita si Gen. Marbil sa panibagong pangyayaring ito na mistulang sampal sa PNP?
Nagpahayag naman ng pagkabahala ang iba’t ibang business organizations sa bansa sa mga pangyayari.
