CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMI na ang pumupuna na tila bawat proyektong isinusulong ng lider ng Kamara ay nagiging kontrobersyal at kadalasan ay napupurnada.
Kaya naman puro pang-aalaska ang inaabot nitong si Speaker Martin Romualdez. Kantyaw ng ilan, wala raw Midas touch si Speaker. ‘Yun bang lahat ng hawakan ay nagiging ginto.
Baka Malas touch.
Eto una, ang isyu ng Charter Change na isinulong ni Speaker sa ngalan ng “pagpapalago ng ekonomiya”.
Bersyon niya ito, na nauwi sa People’s Initiative na sinasabi ng kanyang mga kritiko na ginamitan ng pondo ng gobyerno para sa pamimigay ng pera kapalit ng pirma ng mamamayan.
Napuna rin ang legislative priority ni Romualdez – ang Maharlika Fund – na mariing tinutulan ng mga business group.
Anila, hindi napapanahon at hindi angkop ang ganitong investment vehicle, ngunit itinulak pa rin ito ni Speaker.
Sumunod ang pagpasa ng 2025 National Budget, na may nagsasabi na “pinaka-corrupt sa lahat ng naipasang budget ng lehislatura”.
Kaya nga kinuwestyon ‘yan sa Supreme Court ng grupo ni Atty. Vic Rodriguez na isa sa mga pambato sa Senado ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Marami umanong isiningit, kabilang ang pet project ng Speaker na AKAP. Marami ang pumupuna rito dahil tila ginawang instrumento ang social service na ito para sa pansariling interes o pamumulitika.
Ngayon, may bulong na kinakausap na raw ni Speaker si Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate Tito Sotto para tukurang maging Senate President sa susunod na Kongreso.
How true? Pero hindi naman ito nakagugulat sa iba dahil si Speaker ang pinaghihinalaan nilang pangunahing tagapagsulong sa House ng impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Baka gusto niyang maka-tandem dito si Tito Sen sa Senado.
Naisampa na sa Senado ang kaso, inihabol na inaprubahan ng Kamara bago ang adjournment na tila sinadya para itali ang kamay ng Mataas na Kapulungan.
Dahil dito’y nalagay tuloy sa alanganin ang maraming senador.
Abangan kung mapapa-oo si Tito Sen kay Speaker.
Tiyak uulanin na naman ito ng mga tanong at kontrobersiya.
