BISTADOR ni RUDY SIM
NAG-VIRAL ang ating post sa aking Facebook account kamakailan na may kinalaman sa naging pagpapatakas sa Korean fugitive na si “NA IKHYEON” ng nasibak nang mga tauhan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado kung saan ay inilabas ng netizens ang kanilang damdamin sa talamak na katiwalian sa gobyerno na basta’t may pera ay nabibili ang batas.
Ngunit sa pagpasok sa isyu ng kontrobersiyal na sapilitang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nakahinga nang maluwag itong si Vayad-O este, Viado, sa kapalpakan ng kanyang mga tauhan na dapat sana ay kung mayroon itong delicadeza ay hindi magiging kapit-tuko sa kanyang puwesto at agad na nagbitiw sa kanyang posisyon.
Bakit tanging ang deputa ay deputy pala na si Joemar Barlaan ng BI detention facility sa Bicutan, na pumirma sa katawa-tawang incident report ng mga kumag na nagpatakas sa pugante ang tinanggal sa puwesto at inilipat lang sa admin ng main office? Bakit hindi ito kinasuhan ng kriminal at administratibo at bakit hindi hiniling ng DOJ sa NBI na imbestigahan kung sino ang nagplano at kumita sa pagpapatakas?
Bakit naging tikom ang bibig ng DOJ dito at hindi sinibak si Viado sa command responsibility? Kailangan ba na ang maliliit lang na mga empleyado ang gagamiting sacrificial lamb ng ahensya upang masabi lamang na hindi nila kinunsinti ang kanilang mga tauhan? May kasabihan nga Kume, na kung naghahanap kayo ng tiwali ay bakit hindi ninyo ituro ang loob ng ilong nyo?
Kung may katotohanan ang tsismis na nagbayad ng 30 milyong piso ang pugante sa tiwaling mga tauhan ng BI, nagkaroon din kaya ng refund o ito’y napaghatian at sunog na? Ano kaya ngayon ang kapalit upang hindi na ibalik ang pera ng Korean fugitive? Ang pananatili kaya nito sa bansa at hindi ipa-deport?
Matagal nang raket ito sa BI lalo sa mayayamang mga dayuhan na pugante sa kanilang bansa na nagbabayad ng malaking halaga upang hindi ipa-deport, isa na nga rito ang kunwaring kakargahan ng kaso sa bansa dahil hindi maaaring ipa-deport ang sinomang dayuhan na may pending case sa bansa.
Ang warden facility o detention facility ng BI sa Bicutan ang isa sa matagal nang nagiging gatasan ng mga mukhang pera na matataas na opisyales ng ahensya, isa na nga ang “ICE ROOM” na ilegal na negosyo rito na pinarerentahan ng P50K kada ulo para sa bigtime inmates kagaya ng Chinese, Korean at Japanese na nais ng VIP treatment sa loob pero ang mga walang pera ay nagtitiis sa mainit at mabahong piitan.
Samantala, paano kaya muling nakabalik sa bansa ang isang Taiwanese national na si Peter Lai na nagmamay-ari ng isang travel agency na dating Cloud travel, na hinuli dalawang taon na ang nakakaraan sa Clark airport, at idineport dahil sa pagiging pugante nito sa kasong ilegal na droga?
Bakit ganun na lamang kadali na nakabalik ito sa bansa? Ano kaya ang legal na basehan para tanggalin ito sa Blacklist ng BI? Bakit ganoon din kadali na nabigyan muli ng accreditation itong dating “CLOUD TRAVEL” na nagpalit lamang ng pangalan na “PI CYCLE TRAVEL” na may kaparehong opisina sa BF condominium sa Intramuros, Manila, ng accreditation unit? Nalusutan ba ang hepe rito na si Madam Atty. Sulit? naSulit ba? Hindi ba’t itong asawa ni Peter na si alias “Sharon” ay nagkaroon ng kaso sa ahensya dahil umano sa pamemeke ng dokumento?
Abangan pa ang ating mga pasabog sa susunod, at ating ibibisto ang mga tiwali sa BI.
Para sa inyong Sumbong at Reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
