THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NAGSISIMULA na ang pagdumog ng mga biyahero kaya todo kayod na rin ang mga nagbibigay ng serbisyo para matugunan ang mga pangangailangan at masiguro ang ligtas at maayos na paggunita ng Semana Santa.
Malaki ang tulong ng mga inisyatiba ng mga miyembro ng iba’t ibang sektor ng lipunan kapag ganitong panahon kagaya ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC) na namamahala sa maraming expressway sa bansa.
Dahil sa inaasahang nasa 10 porsyentong pagtaas ng volume ng trapiko, bumuo ang MPTC ng isang komprehensibong plano para sa mas pinahusay na serbisyo, mas mabilis na transaksyon sa toll plaza, at ang napakahalagang inisyatibang nagsusulong ng responsableng pagmamaneho.
Sakop ng Byaheng Arangkada sa Semana Santa ng MPTC ang NLEX, SCTEX, NLEX Connector, CAVITEX, CALAX, at CCLEX.
Sa pamamagitan ng Biyaheng Arangkada sa Semana Santa, layunin ng grupo na tiyakin ang ligtas, maayos at maginhawang biyahe para sa mga motorista, ayon kay MPTC President at CEO Jose K. Ma. Lim.
Sinimulan nang paigtingin ng MPTC ang roadside assistance at support services. Magkakaroon ng 24/7 on-call assistance sa pamamagitan ng dedicated hotline (1-35000) at MPT DriveHub app, at mga roadside assistance stations na nakapwesto sa mga strategic na lokasyon sa mga expressway. Nagtalaga na rin ng nasa 2,000 personnel simula pa noong Abril 8 para sa mas epektibong pamamahala ng trapiko at mas mabilis na pagtugon sa mga insidente.
Bukod pa rito, magkakaroon din ng libreng on-call emergency medical services, basic mechanical services sa mga piling Rest and Refuel station at libreng towing service papunta sa pinakamalapit na exit para sa Class 1 at Class 1M vehicles (para sa CCLEX). Naglagay rin ng mga RFID assistance booths para sa installation, reloading, at account inquiries.
Hindi pa riyan nagtatapos, dahil nag-level up pa ang serbisyo sa pamamagitan ng mga libreng Wi-Fi stations (mula sa SMART), libreng inuming tubig (mula sa Maynilad) sa mga piling Rest and Refuel station, libreng health at wellness services (mula sa MWell) at electric vehicle charging stations sa ilang bahagi ng NLEX.
Makatutulong din ang paggamit ng RFID para maiwasan ang congestion sa mga toll plaza. Maaari rin gamitin ang MPT DriveHub app para sa balance checking at toll fee computation. Kung may problema naman sa RFID, mabuting ipa-check ito agad at dalhin ang RFID card bilang backup.
Nagpaalala rin ang MPTC para sa ligtas na biyahe sa pamamagitan ng pag-check ng kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe—lalo na ang gulong, ilaw, preno, at fluid levels; pagpapahinga nang maayos bago bumiyahe at pagtigil sa designated rest areas upang maiwasan ang pagod, at pagsunod sa speed limit at maging disiplinado sa linya ng kalsada.
Isa pang kumpanya na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan ang todo ang paghahanda para sa maayos na serbisyo publiko.
Nagpahayag ang Meralco ng kahandaan para masiguro ang sapat, maaasahan at maayos na serbisyo ng kuryente ngayong Semana Santa.
Ayon sa kumpanya, naka-standby 24/7 ang mga tauhan nito para magresponde sa anomang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente ng mga customer.
Dahil nagsimula na rin ang panahon ng tag-init, pinaalalahanan din ng Meralco ang publiko na ugaliin ang ligtas, matalino, at masinop na paggamit ng kuryente. Ilan sa mga praktikal na gawain ang pagtanggal sa pagkakasaksak ang mga appliance na hindi ginagamit, pag-iwas sa “octopus connection” o ang pagdudugtong-dugtong ng mga extension cord sa isang power outlet, pagtanggal ng mga wire at cord sa ilalim ng mga basahan o carpet para hindi matapakan at masira, at pagtiyak na hindi nababasa ang mga appliance at mga gadget.
Hinihikayat din ng Meralco ang mga customer nito na gamitin ang Appliance Calculator sa My Meralco app para mas mabantayan ang konsumo ng kuryente.
Patunay ang mga ganitong uri ng programa ng mga kumpanya na paglingkuran ang publiko. Kaya makiisa din tayo at maging responsable para maging matiwasay rin ang ating paggunita ng Mahal na Araw.
