TILA itinakwil sa Mababang Kapulungan NG ang mga pro-China vlogger dahil traydor umano ang mga ito at hindi karapat-dapat na tawaging mga Pilipino.
Ginawa ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag dahil sa habang tumatagal aniya ay dumarami ang mga Pilipinong vlogger na sumusunod sa kasinungalingang ipinapakalat ng China sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
“Ito ay hindi lang fake news eh, ito’y agarang pagtataksil sa ating bansa. It’s so disturbing that there are Filipino vloggers who support the false narrative of China to claim ownership, portion of our seas. To me, it’s not only betrayal, or pagiging traidor sa kanyang bansa, this is dismantling of our sovereignty one post at a time,” pinunto ng mambabatas.
“So para sa akin, just to be candid about it, pagtataksil at hindi siya karapat dapat na tawaging Filipino. So it’s really disturbing that some of our Filipino kababayan are even pursuing the narrative of China,” dagdag nito.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Adiong subalit sa nakaraang pagdinig ng House Tri-Committee, kabilang sa mga nagpakalat umano ng pro-China narrative ay ang vlogger na si Mark Anthony Lopez matapos palabasin na gumamit din ng water cannon ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa China sa WPS.
Pinangalanan din ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela sina Anna Malindog Uy at Ado Paglinawan bilang mga pro-China vlogger dahil sa paninira umano ng mga ito sa PCG, pagtatanggol sa mga Chinese spy at maging sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sinabi ng mambabatas na nakakalimutan aniya ng mga pro-China vlogger na ang mga Pilipino ang naaapektuhan ng agresyon at panggigipit ng Beijing sa WPS.
“Remember kung ikaw ay isang Pilipino naniniwala sa integridad at soberanya ng Pilipinas, hindi lang kasi iyong isyu ng teritoryo ang pinag uusapan dito. Iyong mga harassment na ginagawa sa ating most vulnerable sector in our community, mga fishermen, tingnan n’yo iyong mga nangyayari sa mga kanila doon,” dagdag pa ni Adiong.
(PRIMITIVO MAKILING)
