NAKABALIK na sa Pilipinas ang Philippine Inter-Agency Humanitarian CONTINGENT (PIAHC) matapos ang kanilang deployment sa Myanmar dahil sa 7.7 magnitude na lindol na tumama sa nasabing bansa noong Marso 28.
Pinagkalooban ng ‘heroes welcome’ ang bumubuo ng 89-man team mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor nang salubungin sila sa Villamor Air Base sa Pasay City lulan ng C-130 cargo plane ng Philippine Air Force (PAF).
Ang PIAHC ay pinamumunuan ni Lieutenant Colonel Erwen S. Diploma ng PAF sa kanilang dalawang linggong humanitarian mission sa Myanmar na sinalanta ng magnitude 7.7 earthquake.
Pinangunahan nina defense secretary Gilberto C. Teodoro Jr., kasama sina health secretary Teodoro J. Herbosa, Civil Defense administrator at Office of the Civil Defense (OCD) undersecretary Ariel F. Nepomuceno, Armed Forces of the Philippines (AFP) chief-of-staff Lieutenant General Romeo S. Brawner Jr., PAF commanding general Arthur M. Cordura at mga kinatawan mula sa iba’t ibang partner agency ang pagsalubong.
Kabilang sa nasabing contingent ang mga tauhan ng OCD, PAF, Philippine Army, Department of Health–Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Environment and Natural Resources Emergency Response Team (DENR-ERT), Energy Development Corporation (EDC) at Apex Mining Company Incorporated.
Sa kanyang mensahe, ipinarating ni secretary Teodoro ang pagbati at pasasalamat ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) sa ipinakitang commitment at tapang ng PIAHC.
Pinapurihan din ni Herbosa ang Philippine contingent sa kanilang “selflessness, compassion and unwavering spirit” sa paghahatid ng life-saving aid sa gitna ng nasabing kalamidad.
“This mission underscores the Philippine’s readiness to extend humanitarian assistance beyond its borders and strengthens regional cooperation through unified, inter-agency efforts,” ani Herbosa
Nagtapos ang misyon ng Philippine humanitarian team noong Abril 12 at pinasalamatan sila ni Philippine Embassy in Myanmar Charge d’Affaires Angelito Nayan para sa kanilang natatanging serbisyo.
Sa ngayon ay nakapagpadala na ang Pilipinas nang 19,458 pounds ng humanitarian aid, kabilang ang mga hygiene kit at tarpaulin.
“With deep gratitude, I humbly receive the message of appreciation from the President and the Secretary of National Defense. It is a great honor for me as the Contingent Commander and my team to serve in the name of our country,” ayon kay PIAHC contingent commander Lieutenant Erwen Diploma.
(JESSE KABEL RUIZ)
