MILITAR PINAGAGAMIT LABAN SA KFR GANGS

PANAHON na para gamitin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos JR. ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para durugin ang mga kidnap-for-ransom (KFR) gang na muling namamayagpag ngayon.

Partikular sa nais ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel na pakilusin ng Pangulo laban sa mga KFR gang ang Intelligence Service ng AFP (ISAFP) bilang suporta sa mga civilian law enforcement agency sa pangangalap ng impormasyon laban sa mga sindikatong ito.

“The President may lawfully deploy ISAFP, as well as the intelligence units of the Army, Air Force and Navy to assist the Philippine National Police (PNP) in countering kidnapping groups, particularly when their activities pose threats to public safety or national security,” pinunto ni Pimentel.

Ayon sa mambabatas, base sa 1987 Constitution, may kapangyarihan ang Pangulo bilang commander-in-chief na gamitin ang AFP sa operasyon, kasama na ang intelligence activities kapag nasa balag ng alanganin ang internal security at public order sa bansa.

Naniniwala si Pimentel na malaki ang maitutulong ng ISAFP sa Philippine National Police (PNP) para buwagin ang mga KFR group na ngayon ay muling naghahasik ng lagim, lalo na sa business community.

Pinakahuling biktima nito ay ang negosyanteng si Anson Que at ang driver nitong si Armanie Pabillo, na parehong brutal na pinaslang kahit nagbayad na umano ang pamilya ng biktima ng ransom na labis na ikinagalit ng sambayanan.

Bagama’t nahuli na ng PNP ang tatlong suspek sa nasabing krimen na sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista at David Tan Liao, naniniwala si Pimentel na may mga iba pang KFR group na tulad ng grupo ng mga Chinese national na konektado sa pinagbawal nang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na dapat buwagin o lansagin sa lalong madaling panahon.

“Military assistance to civil authorities is a well-established component of internal security operations,” idiniin ng kinatawan ng Surigao del Sur.

(PRIMITIVO MAKILING)

16

Related posts

Leave a Comment