NAWASAK ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos magpa-endorso kay Vice President Sara Duterte ang mga orihinal na miyembro ng admin slate na sina Rep. Camille Villar at Sen. Imee Marcos.
Ayon kay outgoing Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, lalong napatunayan na walang pagkakaisa sa administrasyon na siyang ipinagmamalaki ni Marcos ngayong 2025 midterm election.
“Sa bahagi lang din ng slate ng Alyansa, tingin natin dito din pinapakita kung gaano kabuhaghag ‘yong kanilang pagkakaisa, kasi no’ng simula ng kampanya ang kine-claim ng nakaupong Pangulo, ‘yon daw ‘yong slate na walang bahid ng pagiging konektado sa mga berdugo, sa mga duguan ‘yong kamay, ganyan,” ani Manuel.
Noong 2022 presidential election, binuo ni Marcos ang UniTeam matapos kunin bilang running mate ang noo’y mayor ng Davao City at anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Sara Duterte.
Gayunpaman, nabuwag ang UniTeam noong 2024 matapos sumabog ang Intelligence and Confidential funds scandal sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating pinamumunuan ng Bise Presidente.
Lalong nawasak ang UniTeam nang akusahan ng dating pangulo si Marcos na ‘bangag’ hanggang sa isuko ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC) si Duterte at binuo ang Alyansa para ngayong 2025 midterm election.
“So ‘yon, parang gulo-gulo na eh, ‘di ba? Kaya sana mas maging maliwanag sa mga kababayan natin kung ano ba talaga ‘yong basis bakit nagsama-sama ‘yong mga ‘to, para ba talaga sa taumbayan o para lang doon sa sino yung mga nage-endorse sa kanila?” tanong pa ng mambabatas.
(PRIMITIVO MAKILING)
