IMEE NILAGLAG NA NG LAKAS

TULUYAN nang nilaglag ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si Sen. Imee Marcos sa senatorial slate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.

Sa national assembly ng nasabing partido kahapon, inatasan ni House Speaker Martin Romualdez na siya ring pangulo ng nasabing partido ang kanilang mga kapartido na siguraduhin ang panalo ng 11 senatorial candidate ng administrasyon.

“Please lang, please. Straight Alyansa. Diinan natin lahat sila, walang iwanan dito. Ito ang gusto ng ating Mahal na Pangulo. They are our true partners. Subok na subok sila,” ani Romualdez sa mga miyembro ng kanilang partido.

Hindi na inisa-isa ni Romualdez ang mga senatorial candidate subalit sa isang statement, hindi na kasama ang pangalan ni Imee.

Ang senador ay hindi na dumalo sa mga political rally ng Alyansa mula nang isuko ng administrasyon ni Marcos Jr., sa International Criminal Court (ICC) si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod nito ay inendorso ni Vice Presidente Sara Duterte si Sen. Imee kung saan naglabas ang mga ito ng political ads na pinamagatang “itim” ang Pilipinas sa pamumuno ni Marcos Jr.

“Let them throw mud—we will build roads, schools, hospitals, and jobs. Let them play politics—we will serve. The people will see through the noise and choose results,” mensahe ni Romualdez sa kanilang mga kapartido.

Gayunpaman, kailangang magsikap umano ang mga miyembro ng Lakas-CMD para siguraduhin ang panalo ng 11 senatorial candidate ng Alyansa dahil kinabukasan ng bansa ang nakataya.

Ang Alyansa ay binubuo ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC), National Unity Party (NUP) at Lakas-CMD.

(PRIMITIVO MAKILING)

20

Related posts

Leave a Comment