MAHIGIT 120,000 tauhan ang ide-deploy ng pambansang pulisya sa araw ng halalan sa Mayo 12 araw ng Lunes, ayon kay Directorate for Police Community Relations director Maj. Gen Roderick Augustus Alba.
Kabilang sa mga ito ang mahigit tatlong libo na magsisilbi bilang election board members.1
Nasa 7,943 ang sinanay ng pambansang pulisya para tumulong sa electoral boards, kung saan 3,774 dito ay ipakakalat sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) BARMM para magsilbing board of election inspectors (BEIs) na itinalaga ng Commission on Elections (Comelec) sa pambansa at lokal na halalan.
“We’re not saying na foolproof ito na mas mapayapa o secure ang eleksyon ngayon. What we’re saying ay napakalaking basis ng aming deployment itong pagbaba ng election watchlist areas,” pahayag ni Alba sa isang press conference na ginanap sa DILG main office sa Quezon City.
Sinabi ni PNP Public Information Office (PIO) chief Col. Randulf Tuaño na ang kasalukuyang bilang na 362 areas of concern ay mas mababa kaysa sa 401 na lugar na nakalista ng mga awtoridad noong fourth quarter ng 2024.
“Kumpara noong nakaraan, mas mababa siya, base sa ating mga assessment sa ngayon (Compared to before, it’s lower, based on our assessment for now),” dagdag na pahayag ni Tuaño.
Sa 362 areas of concern na binabantayan ngayon, 34 sa mga ito ay nasa kategoryang “pula”, o ang klasipikasyon ng Comelec para sa mga lugar na may seryosong armadong banta at may kasaysayan ng mga insidenteng may kinalaman sa halalan.
Kung maaalala, ang bilang ng mga lugar sa kategoryang “pula” ay 38 sa huling quarter ng 2024; at 36 sa unang quarter ng 2025.
Sinabi pa ng PNP na bumaba pa sa 34 ang bilang ng mga “pula” na lugar noong Abril 2025 matapos kontrolin ng Comelec ang dalawang bayan sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur kasunod ng mga insidenteng may kinalaman sa halalan sa lugar.
(TOTO NABAJA)
