UMABOT sa 29 local candidates ang inisyuhan ng show cause orders ng Commission on Elections o Comelec Committee on Kontra Bigay (CKB) dahil sa posibleng vote buying na itinuturing na isa sa mga election offense at posibleng ground for disqualification.
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec), may tatlong araw na ultimatum na ibinigay para sagutin ng unang sa siyam na kandidato na tatakbo sa May 12 elections, ang inilabas na show cause orders (SCO) dahil sa mga alegasyong paglabag sa mga patakaran ng kampanya.
Kabilang sa mga paratang ang pagbili ng boto at maling paggamit ng mga yaman ng gobyerno sa kanilang mga aktibidad sa kampanya kaya dapat na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng election offense o disqualification.
Sa unang siyam na pangalan na inilabas ng Comelec CKB, kabilang sa ipatatawag ang mayoral candidates na sina dating Mayor Isko Moreno kaugnay sa pamamahagi ng 3,000 pesos sa public school teachers; gayundin si Sam Versoza sa pamimigay ng goods na mayroong pangalan nito.
Habang si Caloocan City mayoral candidate Dale Gonzalo Malapitan ay dahil sa umano’y pamimigay ng 3,225 pesos sa pagtitipon sa Galino covered court.
Habang ‘abuse of state resources’ naman ang dahilan ng show cause order kay Masbate governor Richard Kho dahil sa paggamit ng “emergency alerts” para mai-broadcast ang pangalan ng mga kakamping kandidato.
Nauna rito, nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato at mga indibidwal sa mga paglabag sa election rules kabilang na ang vote buying dahil ito ay nangangahulugan ng disqualification.
Upang higit na mapalakas ang nasabing babala ay bumuo pa si Comelec Chair George Erwin Garcia ng Committee on Kontra Bigay sa pamamagitan ng Resolution 11104, na magbibigay ng pangil sa batas kontra vote buying at vote selling.
Kabilang sa committee ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan kabilang ang mga opisyal ng Comelec, Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ilalim ng Section 24 ng nasabing resolusyon, ang vote buying at vote selling ay ipinakakahulugan bilang “the act of giving, offering or promising” ng lahat ng may halaga kapalit ng boto.
‘Di lamang ito limitado sa cash transactions at kabilang dito ang pag-aalok ng goods, serbisyo o pabor kapalit ang pagboto pabor o laban sa kandidato o hindi mismong pagboto o “abstaining from voting”.
May kaparusahan din ang mga indibidwal na nagso-solicit o tumatanggap na kahit na anong may halaga, direkta man o hindi, kapalit ng pag-iimpluwensya sa boto ng iba.
Ang lahat ng mapatutunayang nagkasala ng paglabag sa eleksyon ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon nang walang probation, disqualification to hold public office, deprivation of the right of suffrage at multa ng hanggang P10,000 para sa partido pulitikal na sangkot.
(JESSE KABEL RUIZ)
