ISABELA – Kalaboso ang mag-inang Indian nationals sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group, sa pagbebenta ng hindi rehistradong mantika sa Barangay Patul, Santiago City.
Kinilala ang mag-inang suspek na sina alyas “Kulvinder” at “Kamaljot”. Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang CIDG na nagbebenta umano ang mag-ina ng mantika na hindi rehistrado na nagresulta ng kanilang pagkaaresto.
Ayon kay CIDG Acting Director BGen. Romeo Macapaz, nakumpiska sa mga suspek ang 273 container ng mantika na tinatayang nagkakahalaga ng P1.34 milyon.
Wala umanong License to Operate ang mga suspek at hindi rehistrado sa Food and Drug Administration ang kanilang mga produkto, na malinaw na paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009.
Hindi rin umano dumaan sa tamang pagsusuri ang kanilang produkto na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.
(TOTO NABAJA)
