AGAD inaprubahan ng Konseho ng Maynila ang pagpapalabas ng calamity fund para sa mga biktima ng sunod-sunod na sunog sa lungsod, sa pangunguna ni Manila Vice Mayor Chi Atienza.
Inilagay sa state of calamity ang Barangay 439 at 448 para sa agarang pagpapalabas ng calamity fund ng mga barangay, na ilalaan para sa direktang tulong pinansyal sa mga residenteng nawalan ng tirahan.
“Under my leadership, together with the entire council, we passed these resolutions to provide immediate support to the fire-affected barangays,” ani Atienza.
Noong Hulyo 2, personal na binisita ni VM Atienza ang mga residenteng nasunugan kung saan nakita ang kanilang kalagayan.
Tiniyak ng bise alkalde sa mga nasunugan na ang suporta ng gobyerno ay maibibigay nang walang pagkaantala.
Sa pagtataguyod ng mga pangunahing prinsipyo ng ‘Bilis Kilos’, agad na umaksyon sina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza upang matugunan ang mga insidente ng sunog at matiyak na ang mga apektadong pamilya ay makatatanggap ng agarang tulong mula sa pamahalaang lungsod.
Samantala, nanawagan si VM Atienza ng pagkakaisa, suporta at inklusibong pamumuno sa pagbubukas ng sesyon ng Sangguniang Panlungsod.
Sinabi ni VM Atienza, kabilang sa kanyang mga adbokasiya ang kapakanan ng senior citizens, PWDs, solo parents, LGBTQIA+, Muslim communities, manggagawa, at kabataan.
Kasabay nito, ipinahayag niya ang buong suporta sa mga plano ni Mayor Isko Moreno na ibalik ang pangunahing serbisyo tulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan, at trabaho sa mamamayan.
Sa pagtatapos ng unang sesyon, pinuri si Vice Mayor Atienza sa maayos at matatag na pamumuno — hudyat ng panibagong yugto para sa lungsod ng Maynila.
(JOCELYN DOMENDEN)
