ENGINEER KABILANG SA INGINUSO SA KASO NG MGA NAWAWALANG SABUNGERO

TINUKOY ang isang engineer bilang isa sa mga mastermind sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, isa sa mga akusado sa kaso ng mga nawawalang sabungero, si Engineer Celso Salazar.

Bukod kay Salazar, itinuro rin ni Patidongan sina Charlie “Atong” Ang, Eric Dela Rosa at ang aktres na si Gretchen Barretto na may kinalaman din sa kaso.

Sa panayam kay Patidongan, na dating chief of security sa farm at mga sabungan ni Ang, sinabi niya na iniutos ng mga utak ang pagpatay sa mga nawawalang sabungero na nahuling nandaraya.

Aniya, si Dela Rosa ang nagsilbing taga-monitor ng mga dayaan at ipinarating kay Ang ang mga nahuli. Nag-usap naman sina Ang at Salazar ukol sa mga gagawing hakbang sa mga nahuli.

Inutusan nila ang mga pulis na patayin ang mga nahuling sabungero at itapon ang kanilang mga bangkay sa Taal Lake, dagdag pa ng saksi.

Bukod sa Taal Lake, sinabi naman ni Patidongan kay Philippine National Police (PNP) chief Nicolas Torre na may mga sabungero rin na inilibing sa iba pang mga lugar.

Inanunsiyo ng Department of Justice (DOJ) na natukoy na ang lugar sa Taal Lake kung saan itinapon ang mga biktima at ito’y binabantayan na ng PNP. (EG)

222

Related posts

Leave a Comment