OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISA na namang kaanak ng isang overseas Filipino worker (OFW) ang lumapit sa OFW JUAN upang humingi ng hustisya sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay, si Marie Jhoy Mepico Pamilgan, isang domestic worker sa Riyadh, Saudi Arabia, na umano’y nagpakamatay matapos makaranas ng matinding problema sa kanyang employer.
Ayon sa pamilya ni Marie Jhoy, bago pa man mangyari ang insidente, siya ay nakapagreklamo na sa kanyang local agency sa Pilipinas, ang Yoshi Promotion Inc., ngunit hindi umano ito pinansin. Ang kanyang foreign agency sa Riyadh ay kinilalang Topaz Riyadh.
Sa salaysay ng kanyang nobyo, si Christian Sebusa Parel, nakausap pa niya si Marie Jhoy sa pamamagitan ng video call noong Mayo 10, 2025. Sa tawag na iyon, napansin niyang si Marie Jhoy ay tulala, hindi makausap nang maayos, at tila labis ang pagkabalisa. Maya-maya, nakita niya sa video na may hawak si Marie Jhoy na wire, at sa isang iglap ay tumalon ito. Agad siyang nagmakaawa kay Marie Jhoy na huwag ituloy ang kanyang balak, subalit tila hindi na siya naririnig ng nobya. Sa gitna ng video call, nakita na lamang niyang nakabitin na si Marie Jhoy.
Nakita rin umano ng employer ang insidente at agad isinugod si Marie Jhoy sa ospital, ngunit idineklara siyang patay pagdating doon.
Lubos ang hinagpis ng kanyang mga mahal sa buhay. Ayon sa kanila, hindi sana nauwi sa ganitong trahedya kung agarang inaksyunan ng agency ang mga reklamo ni Marie Jhoy. Subalit mas ikinasama pa ng loob ng pamilya ang ulat mula sa agency na inilibing na umano si Marie Jhoy sa Saudi Arabia nang walang pahintulot o abiso sa kanyang pamilya.
Noong Mayo 23, personal na lumapit ang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang humingi ng tulong sa pagpapauwi ng labi ni Marie Jhoy at para maisailalim sa autopsy, subalit hanggang sa ngayon ay wala pa rin umanong malinaw na tugon o aksyon mula sa ahensya.
Kaya’t mariing nananawagan ang pamilya sa OWWA at sa Department of Migrant Workers (DMW) na imbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga taong dapat managot, lalo na ang mga ahensyang umano’y nagpabaya sa kalagayan ni Marie Jhoy. Hiling nila na maibalik sa bansa ang kanyang labi, maisailalim sa kaukulang pagsusuri, at mabigyan siya ng katarungan.
174
