PAGPILING MAGING ‘FUR PARENTS’

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAGING karaniwang eksena na sa Pilipinas na itinatrato na parang mga anak ang mga alagang hayop. Sa mga pasyalan at mga mall, maraming makikitang mga magkasintahan o mag-asawa na may dalang stroller, pero hindi sanggol ang laman—kundi aso o pusa.

Nakikita rin natin ang pag-usbong ng mga negosyo na ang tinatawag na ‘fur parents’ ang primary market. Kung dati, veterinarian lang at maliliit na pet supplies shop lang ang mayroon, ngayon talagang sobrang laki na ng mga tindahang dedicated para sa mga hayop, may pet hotels at pet cafes pa, at maging ang mga establisyimento — talagang nag-adjust na para maging pet-friendly.

Para sa pet owners or ‘fur parents’ na katulad ko, nakatutuwa ito dahil napaka-accessible na ng mga kailangan ng alagang hayop at hindi na rin restrictive masyado, lalo na kung gusto ko kasama ang alaga o kaya naman walang magbabantay o makakasama sa bahay.

Mapagtatanto mo na lang na malinaw itong senyales ng pagbabago sa pananaw ng mga Pilipino sa pamilya, responsibilidad, at kinabukasan.

Ayon sa Commission on Population and Development (CPD), dumarami na ang Filipino couples na mas pinipiling mag-alaga ng hayop kaysa magkaroon ng anak. Hindi naman nakagugulat na isa sa mga dahilan nito ang kagustuhan na masiguro ang financial stability at security. Masyadong mataas na ang presyo ng bilihin, minsan pa ay hindi sapat ang sahod para sa mga pangunahing pangangailangan, at puno ng uncertainty ang ekonomiya. Kaya marami ang nagsasabing hindi na raw praktikal ang pagkakaroon ng anak.

Nagugulat nga ako ‘pag nagtatanong ako kung magkano ang tuition fee ng mga anak ng mga kaibigan ko. Talagang matinding pamumuhunan ang kailangan dahil napakamahal magpaaral sa Pilipinas! Lalo na kung gusto mong bigyan ng maayos na karanasan at magandang kalidad ng edukasyon ang magiging anak mo.

Ganito rin ang sentimyento ng ilan sa mga kaibigan ko na hindi rin sigurado kung kakayanin nilang magtaguyod ng pamilya. Kapag daw kasi naranasan mo ang kawalan ng seguridad habang tumatanda, gusto mong masigurong hindi ito mararanasan ng sarili mong pamilya.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ang fertility rate ng bansa ay bumaba na sa 1.9 anak kada babae noong 2022 — mababa ito sa 2.1 replacement level na kailangan upang mapanatili ang laki ng populasyon. Kung magpapatuloy ang trend na ito, maaaring humarap ang Pilipinas sa parehong problema ng ilang mauunlad na bansa na ngayon ay tinatawag nang “aging societies.”

Ang South Korea na may fertility rate na 0.72 noong 2023 ang pinakamababa sa buong mundo. Sa kabila ng mga insentibo ng gobyerno, tulad ng cash allowance at libreng daycare, tumatanggi pa rin ang mga kabataan doon na mag-anak. Ganito rin sa Japan, kung saan nasa edad 65 pataas ang 29% ng populasyon, at bumababa ang workforce kada taon. Sa Italy, mas marami na ang matatanda kaysa kabataan, dahilan upang bumagal ang ekonomiya at dumami ang abandoned towns.

Isa sa nagiging pagsubok sa mga ganitong bansa ang kakulangan ng mga may kakayahang magtrabaho habang dumarami naman ang matatandang kailangang alagaan. Ayon sa United Nations Population Fund, nagdudulot ng krisis ang ganitong demographic imbalance partikular sa healthcare, pensyon, at productivity.

Isa itong reality at maaaring rason kung bakit mas pinipili ng ilan na huwag nang mag-anak. Batay sa isang 2024 study ng Vero, 83% ng pet owners sa Pilipinas ang itinuturing ang kanilang alaga bilang “anak.” Nasa 64% ng mga household ang may alagang hayop—karamihan ay aso (78%) at pusa (50%). Umaabot sa P1,000–P5,000 kada buwan ang gastos sa kanilang alaga. Para sa ilang ‘fur parents’, mas manageable ito kaysa magpalaki ng bata.

Ang pagiging ‘fur parent’ ay isang lifestyle choice na sumasalamin sa mga pangarap, takot, at limitasyon ng kasalukuyang henerasyon.

Wala dapat paghuhusga sa ganitong pamumuhay lalo na’t napakahalagang desisyon ang pagkakaroon ng anak. Maaaring makaapekto ito sa ating lipunan sa hinaharap, pero kailangan ding harapin muna ang mga pagsubok na kinakaharap natin ngayon.

Kung patuloy na bababa ang birth rate at walang sapat na polisiya para i-address ang mga dahilan nito — mataas na gastos, kakulangan sa support systems, at takot sa hinaharap — maiiwan tayo sa parehong problema na kinahaharap ng mga bansang may tumatandang populasyon.

Hindi kailangang pilitin ang mga tao na mag-anak. Ngunit kailangang tiyakin ng gobyerno na may suporta para sa mga nais bumuo ng pamilya: abot-kayang edukasyon, maayos na daycare, trabaho na may benepisyo, at sapat na family planning services. Mahalaga ring palaganapin ang diskurso tungkol sa reproduction at responsableng pagiging magulang, nang walang kasamang stigma o pamimilit.

118

Related posts

Leave a Comment