NAGHAIN si Senador Kiko Pangilinan ng resolusyon na nananawagan sa Senado na busisiin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto partikular ang pagkain.
Layon nito na bumalangkas ng mga hakbangin upang mapalakas ang food security at masolusyunan ang food inflation.
Nakasaad sa resolusyon na sa mga nakalipas na buwan ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas, gulay, karne, isda at iba pang agricultural products kaya’t marami sa pamilyang Pilipino ang hindi nakakayanang bumili ng masusustansyang pagkain.
Nais ni Pangilinan na marebisa kung epektibo pa ang iba’t ibang polisiya, programa at mga aksyon upang matugunan ang pagtaas ng presyo, matugunan ang systemic gaps, at magrekomenda ng legislative at administrative measures.
Binanggit din sa resolusyon na bagamat may mga aksyon ang gobyerno tulad ng importasyon, price monitoring, at targeted subsidies, marami pa rin ang nakararanas ng limitadong access sa murang pagkain.
Tinukoy rin ang survey ng Social Weather Stations na inilabas noong June 28, kung saan tumaas sa 20 percent ang mga nakaranas ng involuntary hunger o pagkagutom sa nakalipas na tatlong buwan.
(DANG SAMSON-GARCIA)
