NABABAHALA na ang mga mangingisda sa Taal lake sa epekto sa kanilang kabuhayan ng paghahanap sa mga nawawalang sabungero sa bahagi ng Lawa ng Taal.
Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), matumal pa rin ang bentahan ng isdang Tawilis kahit bagsak presyo na ito.
Nabatid kay Fernando Hicap, Pamalakaya National chairperson, bumaba sa P100 kada kilo ang retail price ng Sardinella Tawilis na mas kilala sa tawag na tawilis mula sa karaniwang presyo nito na P250 per kilo, sa gitna ng mga ulat ng mga itinapon na katawan ng missing sabungeros sa Taal Lake.
Sa isang pahayag, sinabi ng Pamalakaya na ang “all-time low” na presyo ng tawilis ay umabot na sa ilang lugar sa Cavite.
“Nakatanggap kami ng ulat na dagsa ang mga tawilis sa kanila na P100 kada kilo sa ilang bayan sa Cavite. Kung gaano kababa ang presyo ng tawilis sa pamilihan, tiyak na higit ang pagbagsak ng presyo nito sa mga mangingisda ng Taal, na magiging dahilan ng pagkalugi,” ayon pa sa Pamalakaya.
Magugunitang umalma ang mga mangingisda mula sa mga bayan na nakapaligid sa Lawa ng Taal kaugnay sa kumakalat na takot ng publiko sa mga isdang huli sa nasabing lawa dahil umano sa mga itinapong tao sa lawa.
Bagama’t agarang nilinaw ng BFAR na ligtas ang mga isda mula sa Lawa ng Taal, partikular ang tawilis, nananatiling apektado ang presyo ng produkto ng mga taga Taal. Hindi na kakayanin ng mga mangingisda ang ganitong pagkalugi dahil ilang buwan na nilang iniinda ang epekto ng Habagat kung saan nagiging matumal ang pagpalaot.
Sinabi pa ng Pamalakaya na dapat gumawa ng kaukulang mga hakbang ang Department of Agriculture (DA) at BFAR, tulad ng pagpapadala ng mga produkto ng mga mangingisda ng Taal sa ibang lugar sa makatwirang halaga at paghikayat sa publiko na tangkilikin ang mga ito, ayon pa kay Hicap.
(PAOLO SANTOS)
