BULKANG TAAL NAGPAKITA NG AKTIBIDAD NG LINDOL

NABATID mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas ay patuloy na nagpapakita ng aktibidad ng volcanic earthquake at pagyanig na naitala noong nakaraang araw at nitong Miyerkules.

Sinabi sa latest bulletin ng Phivolcs, dalawang volcanic earthquakes ang naitala sa nakalipas na 24 na oras. Habang ang mga lindol ay sinamahan ng pagyanig ng bulkan na tumagal ng limang minuto.

Ayon pa sa Phivolcs noong Lunes, natukoy rin ang walong lindol at limang pagyanig, bawat isa ay tumatagal sa pagitan ng dalawa at apat na minuto.

Nabatid pa na hindi bababa sa anim na lindol, na sinamahan ng dalawang pagyanig na tumagal sa pagitan ng anim at pitong minuto, ang naitala ng mga volcanologist ng estado noong Hulyo 11.

Kaugnay nito, tinukoy ng Phivolcs ang volcanic earthquakes bilang mga “binuo ng mga prosesong magmatic o mga prosesong nauugnay sa magma sa ilalim o malapit sa isang aktibong bulkan.”

“Hindi tulad ng mga tectonic na lindol na dulot ng faulting, ang mga volcanic earthquakes ay direktang nagagawa ng maraming proseso at samakatuwid ay mas iba-iba ang mga katangian,” ayon sa Phivolcs.

Sinabi pa ng ahensya na ang mga pagyanig ng bulkan, sa kabilang banda, ay inilarawan bilang “patuloy na seismic signal na may regular o hindi regular na oscillations at mababang frequency (karaniwang 0.5 hanggang 5 Hz) na maaaring tumagal ng higit sa isang minuto.”

“Ang pagyanig ay maaaring sanhi ng iba’t ibang proseso sa loob ng bulkan, kabilang ang resonance na na-trigger ng magma o magmatic gas na dumadaloy sa mga bitak at lagusan, sunud-sunod na magkakapatong na low-frequency na lindol, at mga pagsabog ng magma,” dagdag pa ng Phivolcs.

Sa pinakahuling update nito, naitala ng Phivolcs ang emission ng 504 metric tons (MT) ng sulfur dioxide mula sa pangunahing crater ng Taal. Ang gas plume ay tumaas ng 600 metro bago naanod sa silangan at hilagang-silangan.

(PAOLO SANTOS)

47

Related posts

Leave a Comment