NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan para sa agaran at konkretong aksyon mula sa pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), kasunod ng mga ulat ng karahasan at mapanganib na kalagayan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.
Ito ay kasunod ng pagkamatay ni Leah Mosquera, OFW na nasawi dahil sa tinamong sugat mula sa Iranian missile attack sa Israel noong nakaraang buwan.
Kasabay nito, binanggit din niya ang sinapit ng 21 Filipino crew members ng MV Eternity C na lumubog sa Red Sea matapos atakihin ng Houthi rebels.
Hinimok ng senador ang pamahalaan na palakasin ang mga diplomatikong hakbang, pagbutihin ang mga bilateral labor agreements, at taasan ang pondo para sa legal assistance at suporta sa mga OFW.
Ipinanukala rin niya ang masusing pagsusuri sa kasalukuyang polisiya sa deployment ng mga manggagawang Pilipino, partikular na sa mga high-risk areas, gayundin ang real-time monitoring para sa mga land-based at sea-based workers.
Batay sa datos, tinatayang may 2.2 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa, na taon-taong nagpapadala ng bilyon-bilyong dolyar na remittance sa Pilipinas.
Ngunit sa kabila ng kanilang mahalagang kontribusyon sa ekonomiya, nananatiling bulnerable ang marami sa kanila sa pang-aabuso, pagsasamantala, digmaan, at kapabayaan sa mga banyagang merkado ng paggawa.
Nanawagan si Pangilinan sa mga ahensya ng gobyerno at kapwa niya mambabatas na kumilos nang mabilis at may malasakit para sa proteksyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
(DANG SAMSON-GARCIA)
