RETIREMENT PLAN NINA TATAY AT NANAY O PAGBABALIK SA KANILA NG PAGMAMAHAL?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA bansang kakaiba ang ugnayan ng isang pamilya, kailangan ba ng batas para matiyak na hindi aabandonahin ng mga anak ang kanilang matanda, maysakit at wala nang kakayahan sa buhay na magulang?

Ayan, muling isinusulong ni Senador Ping Lacson ang panukalang batas, o ang Parents Welfare Act of 2025, na magsisigurong hindi tatalikdan ng mga anak ang tumatanda at may karamdaman na magulang.

Tulad ng inaasahan, umani ito ng batikos bagaman may mga sumasang-ayon din naman. Maingay ngayon sa social media ang paksang ito at marami ang pumapalag dahil sa katapat na parusa sa mga hindi susuporta sa kanilang tanders na magulang.

Sa usaping abandona ay may rason na malamang ay dahilan ng pagkasira ng malapit na ugnayan at matibay na bigkis ng pamilya.

Pero, hindi rin nakagugulat kung may mga anak na walang malasakit at galang sa tumatanda nang magulang lalo sa panahon ngayon na tila napakadali sa mga kabataan ang manumbat at manita. Na para bang sila na ang nagtatakda ng mga bagay-bagay dahil mas higit ang kanilang nalalaman.

‘Yan nga ang masakit dahil ang pamilyang Pinoy ay may matibay na bigkis at ugnayan.

Kung titingnan ang nakagawian, kasama naman ng mga anak ang mga magulang, lalo ang ina, sa bahay.

Kaya nga ‘yung ibang anak ng anak ay lumalaki sa aruga ng lolo at lola.

Mga lolo at lola ang nag-aalaga sa mga bata habang abala sa kung anoman ang mga magulang nila.

Tipikal na larawan ng pamilyang Pinoy.

Kaya hindi naman talamak ang pag-abandona ng mga anak sa kanilang magulang dito sa Pilipinas.

May mga nangyayaring pagtalikod, ngunit hindi naman aktuwal na ito ay pagtatakwil. Kinokonsidera rito ang kawalan ng kapasidad ng anak na suportahan ang magulang.

Iba ang sitwasyon natin sa ibang mga bansa kung saan kadalasan ay hanggang 18-anyos lamang ang mga anak sa tahanan ng kanilang magulang. Kapag tumuntong sila sa kolehiyo ay bihira na ang nakaasa dahil sila na ang nagkukusang suportahan ang kanilang sarili.

Kaya maagang nakakawala sa obligasyon ang mga magulang. Nagagawa nilang mamasyal at mag-enjoy sa kanilang retirement. At kapag dumating ang panahon na sila ay alagain na, hindi sa mga anak kundi sa retirement house o home for the aged ang destinasyon nila. Kasama ito sa kanilang pinaghahandaan sa panahon ng kanilang kalakasan dahil nga hindi sila umaasa sa mga anak na maaga rin namang nagsarili at dumiskarte. Taliwas sa mga tahanang Pinoy na kadalasan, ang mga anak na may mga anak na rin ay nakapisan pa rin sa magulang.

May ilan pa nga na ang pensyon ng magulang ay hindi nila pinakikinabangan kundi ng mga anak na hirap din sa buhay.

Iba’t iba ang saloobin ng mga Pilipino sa panukala ni Lacson.

Hindi raw utang na loob ng anak sa magulang ang pagsulpot nila sa mundo.

Ang mga anak ay tumatanaw ng utang na loob sa mga magulang dahil sa pagmamahal at paggalang, hindi dahil kailangan.

Hindi ito ibinibigay dahil sa batas.

Batas ng kabutihan ang nagtatakda nito.

Sabagay, panukala pa lang ito. At naniniwala akong magiging patas ito sa magkabilang panig – anak at magulang.

May batas na laban sa mga magulang at guardian na nagpapabaya sa kanilang anak na may katumbas na criminal penalties at civil consequences kaya sakali mang magkaroon ng batas na kabaligtaran nito o laban naman sa mga pabayang anak ay wala sigurong masama.

Habang pinag-aaralan, pinagdidiskusyunan ang panukala ay dapat din atang gampanan pa ng pamahalaan ang serbisyo sa matatanda.

Hindi natin sinasabing ipinapasa sa gobyerno ang pag-aalaga sa mga hindi kinakalingang matanda, may karamdaman at walang kakayahan sa buhay, ngunit puwede itong saluhin.

Bakit hindi palawakin ng gobyerno ang pagtatayo ng retirement homes?

14

Related posts

Leave a Comment