DALAWANG tauhan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Unit ang inaresto kaugnay sa umano’y kasong pagnanakaw sa isang print shop sa Pampanga, ayon sa PNP-Police Regional Office 3 (PRO 3).
Ito ay matapos na ma-recover ng mga awtoridad ang sasakyan na ginamit umano sa pagnanakaw at makakuha ng mga dokumento na nag-uugnay sa dalawang police officer, sa getaway car.
Ayon sa ulat, dinakip ang dalawang kasapi ng Pampanga Police Drug Enforcement Unit (PDEU) kaugnay sa pagnanakaw at umano’y tangkang abduction.
Ayon kay PRO 3 chief, Police BGen. Ponce Rogelio Peñones, hindi nila papayagan at hindi nila kukunsintihin ang anomang pang-aabuso sa kapangyarihan sa kanilang hanay.
“This incident only strengthens our resolve to cleanse our organization of erring personnel and uphold the highest standards of professionalism and integrity,” ani Peñones.
Base sa paunang imbestigasyon, limang hindi nakikilalang armadong kalalakihan na nakasuot ng black jackets, bonnets at face masks ang puwersahang pumasok sa isang printing shop sa Brgy. Tabun noong Huwebes ng gabi.
Itinali umano ang mga biktima gamit ang cable straps, winasak ang CCTV system at inakusahan ang mga nakagapos na sangkot sa illegal drugs.
“The victims, both residents of the area, were tied with cable straps. Their CCTV (closed-circuit television) system was dismantled. And they were accused of involvement in illegal drugs,” ayon sa PRO 3.
Mabilis na tumakas ang mga suspek tangay ang siyam na mamahaling smartphones, sakay ng itim na Toyota Vios na walang plaka.
Sa isinagawang follow-up operation ay natunton ang abandonadong kotse sa Brgy. San Vicente, Sacobia, Bamban, Tarlac.
(JESSE RUIZ)
